SA araw na ito, maselang topic ang ating tatalakayin.
Patungkol ito sa masalimuot at napakaruming klase ng politika sa lungsod ng Pasay.
Ngayon pa lamang ay ramdam na ang init ng magiging labanan sa nasabing siyudad. Hindi uso sa Pasay ang parehas at marangal na labanan.
Gaya nang ating nasabi na sa ating mga nagdaang pagtalakay, ang lungsod ay pinananahanan ng iba’t ibang klaseng underworld characters. Mula sa mga putahan, ilegal na sugal at droga ay sa nasabing lungsod makikita.
Balon din ito ng masaganang payola (grease money).
Kung mahina ang iyong dibdib, hindi mo pagpapasyahang manirahan sa tinaguriang ‘sin city’ of Metro Manila.
Tumbukin natin ang isyu patungkol kay Barangay Captain Borbie Rivera na kasalukuyang nakapiit sa Makati City dahil sa kasong murder. Ayon sa ina ng bise presidente ng Liga Ng Mga Barangay ng Pasay, politika ang puno’t dulo kung bakit ibinibintang sa kanyang anak ang nasabing kaso.
May ilang makapangyarihang politiko ng lungsod ang nag-set up umano kay Borbie.
Bago mahuli si Borbie sa isang checkpoint sa Magallanes, Makati, mainit ang mga balitang ang barangay captain ang nagpaputok sa media ng maanomalyang seminar na ginawa ng Liga ng mga barangay sa Palawan.
Dose milyones ang umano’y naging budget ng nasabing out-of town seminar ng mga barangay executives ng Pasay na sa tingin ni Kap Borbie Rivera ay batbat ng anomalya.
Si Tonya Cuneta ang pangulo ng Liga na isang malapit na kaalyado ni Pasay City Mayor Tony Calixto. Isa si Cuneta sa powerhouse line-up ng partido ni Calixto sa 2016 para konsehal sa district 1.
Nagalit umano si Cuneta kay Borbie Rivera sa akusasyon nito laban sa kanya at nagsumbong kay Mayor Calixto.
Nang gabing mahuli si Borbie sa isang checkpoint sa Makati City, si Calixto umano at si Cuneta ang sana’y makaka-meeting niya sa Pasay. Galing umano si Kap Borbie sa Laguna.
Ayon sa ina ni Kapitan Rivera, wala nang planong bumaba pa ng Maynila ang kanyang anak ngunit nang tinawagan umano ni Mayor Calixto sa celfon ay nagmamadaling umalis.
Balak sanang pag-ayusin ni Mayor Calixto sina Cuneta at Rivera nang gabing iyon ngunit hindi na nga nangyari dahil nasakote na nga si Borbie ng mga pulis.
Kutob ng pamilya ni Rivera, may nag-set-up sa barangay kapitan upang sadyang matigil na sa pagbanat sa isyu ng katiwalian ni Tonya Cuneta.
Pero sa paningin naman ng maraming antigong Pasayeños na mas nakababatid ng malalim na isyu, hindi lamang ito nag-uumpisa at nagtatapos sa nasabing usapin.
May mas malalim pang dahilan para naising patahimikin nang tuluyan si Rivera.
May pangamba ring ibangketa si Rivera at palabasing nagtangkang tumakas para bigyan ng biglaang wakas ang tila telenovelang ito sa Pasay.
Ayon sa ating mga sources, may ilang malalaking tao sa lungsod (hindi higante ha) ang puwedeng maligwak sakaling kumanta nang sintonado si Rivera.
Makulay kasi ang naging buhay ni Kapitan Borbie Rivera. Mga taong gobyerno na nagtampisaw sa ilegal na negosyo para pagkakitaan.
Isa na rito ang isyu sa droga at gun-for-hire. Ang madudugong holdapan laban sa mga magbababoy sa palengke ng Pasay ay isa pa ring isyu na posibleng umalingasaw at sumabog sa mismong pagmumukha ng mga taong nakapuwesto sa city hall at sa pulisya.
Ang mga ilegal na sugalan at putahan na si Kap. Borbie ang sinasabing ginamit na ‘front’ at protektor.
Ang isang milyong pisong payola linggo-linggo para sa isang high ranking city official mula sa sindikato ng illegal drugs sa lungsod ang isa pang isyu na kinakatakutang sumambulat.
May kasabihan nga sa wikang Ingles na ganire: DEAD MAN TELLS NO TALES!
Mangyari kaya ito sa kaso ni Borbie Rivera para ganap na mapagtakpan ang tunay na mga personalidad na sangkot sa pagbibigay ng proteksyon sa illegal drugs sa lungsod?
Lugar kung saan mabibili na parang kendi ang shabu at iba pang uri ng droga.
Lugar kung saan ang mga huling kilo-kilo ng shabu ay muling ibinibenta sa merkado ng mga taong mismong dapat magpatupad ng batas?
May kasunod…
ABANGAN!
Makinig sa DWAD 1098 khz am “TARGET ON AIR USTREAM TV” Monday to Friday 2:00 – 3:00 PM. mag email sa [email protected]