SUPORTADO ni AFP chief of staff General Gregorio “Pio” Catapang Jr., ang plano ng Estados Unidos na mag-deploy ng barko at aircraft na magpapatrulya sa West Philippine Sea para tiyakin na mayroon pa ring ‘freedom of navigation’ sa lugar.
Ayon kay Catapang, wini-welcome nila ang nasabing plano ng Estados Unidos.
Kasabay nito, kanya ring tiniyak na pagtutuunan ng pansin ng militar ang pag-develop sa Ulugan Bay at naval base sa Palawan nang sa gayon ay magagamit ito para mayroong pagdadaungan ang mga barko at aircraft na magmumula sa Japan, Estados Unidos o magmula sa Australia.
Nilinaw ni Catapang na ang ginagawa ngayon ng Beijing sa West Philippine Sea ay ‘reclamation activities’ at hindi ‘aggression’.
Positibo ang heneral na makatutulong ang gagawin ng US sa pagpapanatili ng ‘freedom of navigation’ maging sa himpapawid dahil walang bansa ang nagmamay-ari sa nasabing mga lugar.
Dahil sa pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea nagsanib pwersa na ngayon ang mga Southeast Asia Pacific countries.
Nais daw nilang i-internationalize ang nasabing isyu dahil walang dapat na mag-claim sa kalayaan na makalakbay sa lugar dahil open sea na ito.
Tiniyak ni Catapang na posibleng magsanib-pwersa rin ang AFP at US.
Aniya, hindi papayag ang international community na i-claim ng China ang 90 percent o maging 100 percent ang South China Sea bilang kanilang teritoryo.
Mahalaga aniyang mapanatiling malaya ang paglalayag sa South China Sea para walang maging sagabal sa international trade.