PANSAMANTALANG inilibing ang 72 manggagawa na namatay sa naganap na sunog sa pabrika ng tsinelas sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, nitong Huwebes ng gabi inilibing ang 21 biktima sa Arkong Bato Public Cemetery habang ang 48 ay kahapon ng hapon sa nabanggit ding sementeryo.
Aniya, ang pinaglibingan sa mga biktima ay temporary internment lamang habang ipinoproseso ang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng DNA testing.
Paatuloy rin aniya ang imbestigasyon ng mga miyembro ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Philippine National Police (PNP).
Kamara pasok sa factory fire sa Valenzuela
MAKIKIALAM na ang Kamara sa nangyaring malagim na sunog sa isang pabrika ng tsinelas na ikinamatay ng 72 manggagawa nito.
Ayon kay House Committee on Labor chairman at Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles, magsasagawa sila ng imbestigasyon sa Mayo 20 kasabay ng pagdinig sa occupational safety bill.
Hihilingin ng naturang komite sa Department of Labor and Employment (DoLE) ang resulta ng imbestigasyon na isinagawa ng occupational safety officers at labor law compliance officers kaugnay sa insidente ng sunog sa Kentex Manufacturing Corporation.
Aniya, dapat magsilbing eye-opener sa mga employer ang nangyaring trahedya upang hindi na maulit ang insidente at masigurong ligtas ang lahat ng business establishment sa bansa.
Katuwiran ni Nograles, kung nakasunod ang kompanya sa occupational health and safety standards sa ilalim ng umiiral na batas, bakit marami ang namatay na mga empleyado nito.
Jethro Sinocruz
Factory owner nanindigang sumunod sa fire safety standards
NANINDIGAN ang kampo ng Kentex Manufacturing Corporation na sumunod at pumasa sila sa fire safety requirements ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Sinabi ni Renato Paraiso, abogado ng kompanya, mayroon silang fire safety certificate ngunit kasamang naabo sa sunog. Gayonman, kukuha aniya sila ng kopya nito sa BFP at handang ipresenta.
“We’re very compliant naman. Kompleto po kami dun sa mga documentations required,” giit ni Paraiso. “‘Yung BFP certification naman nandiyan po… I think the BFP also acknowledge the fact that… there’s a certificate of fire safety po.”
Kaugnay ng mga rehas at wire sa bintana ng gusali na itinuturong dahilan kaya hindi nakatakas ang mga trabahador sa sunog, sinabi ni Paraiso na inakala nilang hindi ito fire hazard.
“Kung ito po’y sa tingin nila (BFP) naging isang fire hazard or safety hazard, ipapaalis po nila sa amin at kami naman po’y magko-comply. The mere fact po na nag-inspect sila, hindi nila pinaalis, we assume na kasama po sa standard or despite that fact, naging compliant naman po kami,” depensa ni Paraiso.
Hindi masagot ng abogado kung nagkaroon ng fire drill ang pamunuan ng pabrika, sa harap ng testimonya ng isang trabahador na nakaligtas sa sunog, na hindi sila sumalang sa ano mang fire drill.
Samantala, itinanggi ni Paraiso ang hindi paghuhulog ng kompanya sa kontribusyon ng mga trabahador sa SSS, PhilHealth at Pag-IBIG.
Tiniyak din ng kampo ng kompanya ang ipagkakaloob na tulong sa mga biktima ng sunog.
CBA sa Kentex sisiyasatin ng DOLE
SISIYASATIN ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang umiiral na collective bargaining agreement (CBA) para sa mga trabador ng pabrikang nasunog sa Ugong, Valenzuela City.
Ayon kay DoLE Secretary Rosalinda Baldoz, may unyon ang mga manggagawa ng Kentex Manufacturing Corporation na may 33 miyembro. Mayroon aniya itong CBA na epektibo mula Abril 28, 2012 hanggang 2017.
Inatasan na ng kalihim si Labor Regional Director Alex Avila na tiyaking maipagkakaloob ang mga kaukulang benepisyo sa kaanak ng mga biktima.
Kabilang aniya sa mga tanggapin ng mga biktima ay health benefits mula Social Security System (SSS), at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) bukod pa sa obligasyong pinansiyal ng Kentex Manufacturing.
Kasabay nito, siniguro ng DoLE na handa silang umagapay sa survivors at pamilya ng mga namatay sa pamamagitan ng Employees’ Compensation Commission (ECC).
Sa ilalim ng ECC, makatatanggap ng P20,000 funeral at death benefits ang pamilya ng mga namatay na trabahador. Habang pagkakalooban ang mga manggagawang naospital ng medical at sickness benefits.
Handa rin aniya ang ECC na iproseso ang lump sum compensation para sa sino mang trabahador na napinsala sa insidente.
Building code violations dapat i-criminalize — Sen. Miriam
ISINULONG ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang pagpasa ng panukalang batas na naglalayong makulong ang mga nagmamay-ari ng gusali na mapatunayang nabigong ipatupad ang fire safety laws.
Ito ay kasunod nang malaking sunog sa Valenzuela City na ikinamatay ng 72 katao sa pagawaan ng tsinelas.
Sakaling maisabatas ang kanyang Senate Bill No. 2530, mananagot sa batas ang nagmamay-ari ng residential o commercial building sa pagkamatay, pagkasugat o pagkapinsala ng ari-arian dahil sa sunog.
“Disasters such as the one in Valenzuela are unacceptable when we have laws that are supposed to minimize fire hazards and rule out fire traps. The only explanation is that these laws are not feared. We should give them more teeth,” ayon kay Santiago.
Nabatid na sumisigaw ngayon ng hustisya ang pamilya ng 72 namatay sa malagim na sunog sa Kentex Manufacturing Corp., isang pabrika ng tsinelas sa lungsod ng Valenzuela.