TULUY-TULOY ang paghahanda ng administrasyong Aquino ngayong taon sa mga kakailanganin para sa implementasyon ng K to 12 program gaya ng textbooks, silya, silid-aralan at mga dagdag na guro.
Ito ang tiniyak ni Pangulong Benigno Aquino III sa harap ng mga pagtutol sa implementasyon ng K to 12 program.
Ayon sa Pangulo, batid niyang marami ang mga balakid at tumututol sa programa ngunit hindi aniya natitinag ang gobyerno sa determinasyon na simulang ipatupad ito ngayong taon.
Binigyang-diin ng Presidente, kailangang harapin ang hamon dahil isa ang Filipinas sa tatlong bansa na lamang sa Asya na sampung taon ang basic education program.
Katunayan aniya ay nakukuwestiyon ang credentials at nasisilat ang promosyon ng mga Filipino professionals gaya ng engineers sa Middle East at iba pang bansa dahil kapag binalikan ang kanilang transcript of records ay kulang ng isa o dalawang taon ang kanilang edukasyon.
Kamakailan ay hiniling nina Sen. Antonio Trillanes IV at Magdalo Reps. Ashley Acedillo at Gary Alejano sa Korte Suprema na ipatigil ang implementasyon ng K to 12 program.
Rose Novenario