BILANG bahagi ng advocacy ng BG Productions International, nakatakda nilang gawin ang pelikulang Tres Marias na pamamahalaan ng award winning direktor na si Joel Lamangan.
Ito’y mula sa panulat ni Raquel Villavicencio at ipakikita sa pelikula ang buhay ng mga batang ina sa isang isla. Kuwento ito ng tatlong matalik na magkakaibigan na kapwa nabuntis at nagsipag-asawa sa murang gulang, sina Aleta, Suzette, at Rosanna. Nakatira sila sa isang isla na walang eskwe-lahan at malayo sa sibilisasyon. Sa lugar na iyon, kapag tumungtong sa edad na eighteen ang isang babae, itinuturing na si-yang matandang dalaga.
“Ito ay base sa tunay na pangyayari at hindi kathang isip lamang. Sa bawat independent film na gagawin ko, nais kong magpakita ng katotohanan, mga problema sa lipunan na hindi dapat ipagwalang bahala.
“Susubukan kong ibahagi sa Tres Marias ang mga rason ng maagang pag-aasawa ng kabataan, ang mga problemang pinagdaraanan nila sa buhay may-asawa sa murang edad, at ang epekto nito sa kanilang pagkatao,” esplika ni Direk Joel.
Pawang magagaling at award winning na mga child actress ang kinuha ng lady big boss ng BG Productions na si Ms. Baby Go at ni Direk Joel upang gumanap na bida rito. Sila’y sina Barbara Miguel (Best Actress sa 8th Harlem International Film Festival-Nuwebe), Angelie Nichole Sanoy (bida sa Magic Palayok at nanalong Breakthrough Performance sa Golden Screen Awards para sa Patikul) at Therese Malvar (Best Actress sa 1st Cine Filipino Film Festival).
Bida rin sa pelikula sina Derick Monesterio, Vince Magbanua, at Ronwaldo Martin (nakababatang kapatid ni Coco Martin). Magbibigay ng suporta sa kanila ang mahuhusay na mga indie actors na sina Jaime Pebanco, Tony Mabesa, Sue Prado, Paolo Rivero, Jash Eze-kiel, Juan Carlo, at Ayen Laurel.
Ayon naman sa producer nitong si Ms. Baby, “Nang ikinuwento sa akin ni Direk Joel ang konsepto ng Tres Marias, hindi ako nagdalawang-isip na tanggapin ang proyekto. Naisip ko na sa pamamagitan ng pelikulang ito, mabibigyan ng aral ang ating mga kabataan, magulang, at gobyerno kung paano maiiwasan ang problema at paano ito haharapin o mabibigyan ng solusyon.”
ni Nonie V.Nicasio