INAKUSAHAN ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga rebeldeng komunista na ginagamit na passes ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) para palayain ng gobyerno ang mga dinakip na matataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ayon sa Pangulo mistulang monopoly game na may “get out of jail card free” ang ginagawa ng CPP-NPA-NDF na ikinakatuwiran na sakop ng JASIG kapag may nahuli ang mga awtoridad na high-ranking communist leader kahit hindi kasama sa listahan ng may immunity.
“So ang sagot naman natin ngayon, ‘parang lahat naman yata ng ginagawa ninyong listahan ‘yung mga nahuli na ng gobyerno?’ At bigla na lang ngayon…Parang kumbaga iyong sa larong monopoly noong araw, may “get out of jail card free.” At ‘pag ‘yung meron naman kaming nahuli, baka naman maisama na naman diyan sa listahan at hindi naman ‘yon ang pinag-usapan,” aniya.
Dagdag niya, hanggang ngayon ay wala pa rin maisumiteng bagong listahan ang komunistang grupo ng mga opisyal nila na saklaw ng JASIG makaraan hindi na ma-recover ang orihinal na kopya nito na ipinatago sa isang Protestanteng ministro sa Europa.
“Itong listahan na ito, sinasabi itong mga consultant namin, tapos merong mga tinatawag na “immunities.” So noong hiningi natin ‘yung listahan at ‘yung listahan kailangan may retrato, tunay na pangalan, et cetera. Iyong mga files hindi na raw ma-recover doon sa ipinatago nilang mga diskette dito sa Protestanteng ministro. Kaya ang sabi nila ngayon, gagawa sila ng bagong listahan. Anyway, iyon ang ginawa nilang dahilan para umalis doon sa usapan,” sabi pa niya.
Binawi rin aniya ng komunistang grupo ang inalok na special track ni CPP founding chairman Jose Ma. Sison kahit kayang-kaya raw gawin ito ng gobyerno para umusad na ang peace process.
“So hinihintay lang natin ‘yung sinseridad nila para naman may patunguhan. Hindi iyong parang mekanismo lang para pakinabangan lang nila at hindi ng sambayanan. Kung maipapakita ‘yung sinseridad, bakit hindi tayo mag-umpisa ng usapan ulit?” giit ng Pangulo.
Rose Novenario