Binay, ‘dummy king’
hataw tabloid
May 15, 2015
Opinion
NABUKING ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na mayroong 242 bank accounts ang pamilya ni Vice President Jojo Binay gamit ang maraming dummies.
Kaya ang tawag sa kanya ngayon ay “Dummy King.”
Ganito ang itinataguri sa isang tao kapag siya’y sobrang nakalalamang sa marami.
Tulad ni Janet Lim Napoles. Tinagurian siyang “Pork Barrel Queen.” Siya kasi ang umano’y utak ng iniimbestigahang P10.2-billion pork barrel fund scam na kinasasangkutan ng mga mambabatas (senador at kongresista).
Sa mga modelo at actress, ang babaeng may matambok na hinaharap ay “Tambok Queen” at sa lalaki na malaki ang bukol ay “Bukol King.”
Anyway, paano kaya pasisinungalingan ngayon ni VP Binay, na tatakbong presidente sa 2016, ang natuklasan ng AMLC na mayroon siyang 242 bank accounts na nakapangalan sa kanyang mga trusted men sa gobyerno ng Makati City na pinamunuan niya at ng kanyang pamilya simula 1986 hanggang ngayon?
Ayon sa AMLC, umabot sa P16 billion ang pera ng pamilya Binay sa banko. At nagkaroon ng daan-daang milyong pisong withdrawal over the counter simula nang imbestigahan ng Senate sub Blue Ribbon Committee ang mga katiwalian ng pamilya ni Vice President.
Natuklasan din ng AMLC ang malaking dolyares na paglipat ng pera ng mga Binay mula sa Pilipinas tungo sa banko sa Canada. Hindi kukulangin sa 95 bank accounts daw ang nakapangalan kay Gerry Limlingan, ang sinasabing pinaka-”bagman” ni VP Binay noong alkalde pa siya ng Makati!
Ang iba pang pangalan na ginamit ng pamilya Binay sa kanilang bank accounts ay sina Eduviges Baloloy, Antonio Tiu, Lily Hernandez Cristal, Carmelita Palo Galvan, Francisco Balaguer Baloloy, Berrnadette Cesar Portollano, Mitzi Sedillo, Margeurite Lichnock, Melissa Gay Castaneda Limlingan, Victor Limlingan, James Lee Tiu, Pee Feng Lee, Ann Lorraine Buencamino Tiu, Frederick Duenas Baloloy, Mario Alejo Oreta, Jose Orillaza, Daniel Subido, Man Bun Chong, Joy Mercado, Omni General Services, Inc., at ang nag-expose ng katiwalian ni VP Binay na si dating Vice Mayor Ernesto Mercado.
Ang mga pangalang ito ay nabanggit din sa Senate investigation.
Ang pinakamagandang gawin dito ni VP Binay, kung wala ngang katotohanan ang mga akusasyon laban sa kanya at kanyang pamilya, palutangin niya si Gerry Limlingan at pagsalitain sa Senado tungkol sa lahat lahat ng kanyang nalalaman sa naturang isyu.
Si Gerry Limlingan ay matagal nang wanted sa Senado pero hanggang ngayon ay hindi pa lumulutang. Buhay pa kaya siya?
Vendors hinuhuli, pero shabu kinokonsinte
– Sir Joey, dito sa Taguig City panay huli ng mga vendor, pero pag shabu ang tinda mo, parang legal na! – 09488144…
East Avenue Medical Hospital malupit sa mahihirap na pasyente
– Ang East Avenue Medical Hospital po ay ayaw magpapasok ng naka-short, nakatsinelas at sa mga babae po naka-backless o mga suot na sexy. Hospital po ng masa ‘yun, ‘di po ba? ‘Yung mahihirap na ‘di makatugon sa patakaran nila tulad ng pagtsitsinelas at pag-short at biglang nangangailangang pumasok dun, di nila pinagbibigyang makapasok, kahit makiusap ka dahil sandali lang maman ang pakay mo sa loob po! Ang katabi po na Heart Center ‘di naman po ganun kahigpit, pinapapasok maski naka-tsinelas, naka-short o nakasando. Para mapruwebahan po ninyo, puwede n’yong pasyalan at makita po ninyo kung gaano ang frustration ng mga taong mahihirap na hindi nila pinapapasok para magpagamot at para rin po masaksihan ninyo kung gaano kaarogante ang mga guwardia nila sa East Avenue Medical Hospital. – Venancio G. Gagno Jr., ng Armel 3, Banaba, San Mateo, Rizal
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015