50 container vans ng basura ‘di ibabalik sa Canada
hataw tabloid
May 12, 2015
News
WALANG plano ang administrasyong Aquino na ibalik sa Canada ang nakalalasong basura na ipinasok sa Filipinas.
Sa panayam sa media na kasama sa kanyang state visit sa Canada, sinabi ng Pangulo na batay sa rekomendasyon ng interagency Technical Working Group (TWG) na pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), didispatsahin ang nasabing basura sa pamamagitan ng pagsesemento o cement kiln co-processing o pagtatapon sa isang landfill.
“The processing and disposal of the wastes will be conducted once the necessary court order is obtained,” anang Pangulo.
Umabot sa 50 containers na puno ng basura ang ipinuslit sa bansa mula Canada noong Agosto 2013.
Bago magpunta sa Canada, ilang environmental groups ang humiling sa Pangulo na talakayin ang nasabing usapin sa Canadian officials ngunit iginiit ng Pangulo na ginagawa ng gobyerno ang mga kaukulang hakbang upang maaksiyonan ito.
Sinampahan na aniya ng mga kasong kriminal ng Bureau of Customs (BoC) ang importer nito na Chronic Plastics, at ang broker ng illegal shipment.
“The wastes are considered hazardous. They’ve been in the Port of Manila for two years. They pose a risk to public health,” sabi ng Pangulo.
“Currently, the Prosecution and the BoC are pursuing the necessary inventory, documentation, and photographing of the wastes prior to its disposal, to be used as evidence in the trial against the accused,” dagdag niya.
P8.5-B kikitain sa waste-to-energy facility ibinida ni PNoy (Itatayo ng Canadian company)
IPINAGMALAKI ni Pangulong Benigno Aquino III na aabot sa P8.5 bilyon ang kikitain ng Filipinas sa loob ng 30 taon sa waste-to-energy facility na itatayo ng isang Canadian company na hindi muna niya tinukoy.
Sa kanyang arrival speech sa NAIA pagdating mula sa working visit sa Chicago, USA at state visit sa Canada, sinabi ng Pangulo, nakausap niya sa huling business meeting sa Vancouver ang pinuno ng itinatayong pasilidad sa bansa na inaasahang matatapos ngayong taon na nagkakahalaga ng P1.3 bilyon, ngunit ayaw muna niyang kilalanin dahil baka aniya mausog.
“May kasabihan naman po: Save the best for last. Sa huling business meeting sa Vancouver, nakausap natin ang pinuno ng isang malaking negosyo. Di po muna natin papangalanan ang kompanyang ito dahil baka mausog,” aniya.
Interesado rin umano ang kompanya na pasukin ang sektor ng turismo, enerhiya at agrikultura kaya’t sa loob ng isa’t kalahting taon o bago matapos ang kanyang termino sa 2016 ay aanihin nila ang itatanim na cranberries at blueberries sa Bukidnon, Quezon at Baguio.
Nag-alok din aniya ang Canada ng tulong para paigtingin ang seguridad sa mga pantalan sa Filipinas alinsunod sa kampanya kontra krimen at terorismo.
Nilagdaan din aniya ang Philippine-Canada Mutual Accountability Framework na nagsusulong nang hayag at tapat na ugnayan sa 82 milyong Canadian dollars na indicative budget.
May pinirmahan din na memoranda of understanding for occupational safety and health na may layunin na bigyan proteksyon ang mga interes ng mga Filipino na nagtatrabaho sa Canada.
Nasasabik na rin ang Pangulo sa pagsisimula ng exploratory discussions sa posibilidad ng isang free trade agreement katuwang ang Canada.
Rose Novenario