Tinutortyur ni PNoy si Mar
hataw tabloid
May 11, 2015
Opinion
HINDI pa ba sapat ang mga sakripisyong ginawa ni Interior Sec. Mar Roxas para kay Pangulong Noynoy Aquino?
Makailang beses na itong pinatunayan, at lagi, sa mga kapalpakan ng kasalukuyang administrasyon, si Mar ang nagtatanggol kay PNoy.
Pero sa kabila ng mga kabutihang ito, tila walang maaasahang magandang sukling gagawin si PNoy kay Mar. Hanggang ngayon, patuloy na tinatakam ni PNoy si Mar at hindi pa rin idinedeklara kung sino ang magiging standard bearer ng Liberal Party.
At kamakailan, sa pakikipag-usap ni PNoy kay Sen. Grace Poe, hindi na naman tinukoy kung sino ang magiging standard bearer ng LP, at nagparamdam ng posibilidad na ang senador ang maaaring hirangin bilang presidential bet at hindi si Mar.
Torture ang ginagawa ni PNoy kay Mar. Hindi magiging pangulo si PNoy kung hindi nagparaya si Mar nang tumakbo na lamang bilang vice president noong 2010 elections. At ito ang masaklap na katotohanan sa isang presidential aspirant na walang winnability tulad ni Mar. Nais makasiguro ni PNoy at kasapian ng LP na ang kanilang susuportahan ay siguradong magiging pangulo ng Pilipinas.
Kaya nga, hindi na nakabibigla kung sa mga darating na araw makita na lang nating itinataas na ni PNoy ang kamay ni Poe bilang standard bearer ng LP at si Mar naman bilang vice president na lang.