Monday , December 23 2024

Dodong ‘bumagsak’ sa Sta. Ana, Cagayan

TULUYAN nang nag-landfall o tumama ang sentro ng bagyong Dodong sa Pananapan Point sa Santa Ana, Cagayan dakong 4:45 p.m. nitong kahapon.

Dahil dito, nakaranas nang malalakas na hangin at ulan ang halos buong rehiyon ng Cagayan dahil sa lawak ng bagyo.

Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 185 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong hangin na aabot sa 220 kilometro bawat oras.

Umuusad ang bagyo sa bilis na 17 kilometro bawat oras sa direksyon na hilaga hilagang kanluran.

Nnakataas ang signal no. 4 sa Northeastern Cagayan, Batanes, Babuyan Group of Islands, at Calayan Group of Islands.

Habang signal no. 3 sa nalalabing bahagi ng Cagayan, Isabela at Apayao.

Habang signal no. 2 sa Northern Aurora, Kalinga, Mt. Province, Ifugao, Ilocos Norte at Abra.

At Signal no. 1 sa nalalabing bahagi ng Aurora, Ilocos Sur at Quirino.

Inaasahan ngayong umaga ay tuluyan nang makalalabas ng Philippine area of responsibility ang bagyo at tutungo sa direksyon ng Southern Japan.

Cagayan binabayo ni Dodong

BINABAYO na nang malakas na hangin na may kasamang ulan ang dulong hilaga ng Cagayan kasunod ng pag-landfall ng Bagyong Dodong sa Pananapan Point sa Sta. Ana.

Dahil sa malakas na hangin, marami nang malalaking puno ang nabuwal sa kalsada sa kahabaan ng Sta. Ana patungong Gonzaga.

Wala na rin suplay ng koryente sa Baggao, Alcala, Amulung, Calayan, Sta. Teresita, Piat, Sto. Niño sa Cagayan at ilang lugar sa Tuguegarao City.

Brownout din maging sa estasyon ng pulisya sa bayan ng Gonzaga.

Umabot na sa 360 pamilya ang inilikas mula sa Brgy. Caroan, Minanga at Batangan sa Gonzaga.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), posibleng madagdagan pa ang nasabing bilang dahil patuloy ang evacuation sa mga nakatira malapit sa dagat.

Higit 5 piye storm surge ibinabala sa Cagayan

AABOT sa 1.64 metrong taas ng storm surge o daluyong ang posibleng idulot ng Bagyong Dodong sa ilang lugar sa Cagayan.

Sa press briefing nitong Linggo ng hapon, sinabi ni Dr. Esperanza Cayanan ng PAGASA-DOST, partikular na maapektuhan ang mga munisipalidad ng Sta. Ana, Buguey at Gonzaga sa Cagayan.

Katumbas ang 1.64 metro ng 5.3 talampakang taas ng storm surge na posibleng tumama lalo na sa coastal areas at mabababang lugar.

“Ang diameter po ng bagyo ay 400 kilometers so pag-approach niya diyan, meron ho tayong hangin na umiikot na counter-clockwise at ‘yung outer bond po ay pwedeng pagtulak ng hangin papunta rito sa karagatan,” sabi ni Cayanan.

Paliwanag ni Cayanan, may historical records ng storm surge ang tatlong nabanggit na lugar Cagayan.

May posibilidad din ng pagkakaroon ng daluyong sa Aparri subalit 0.85 metro lamang at 0.68 metro sa Calayan.

Posible rin aniyang tumaas pa ang tubig dagat lalo’t mag-uumpisa ang high tide dakong 5 p.m.

Flights kanselado

KINANSELA ang ilang flights patungo at paalis ng ilang lugar sa Luzon dahil sa Bagyong Dodong.

Hanggang 1:30 p.m. nitong Linggo, Mayo 10, kabilang sa kanselado ang ilang flights ng Cebu Pacific, Philippine Airlines at Skyjet.

Sa Cebu Pacific, kanselado ang 5J 404 / 405 Manila – Laoag – Manila; 5J 504 / 505 Manila – Tuguegarao – Manila; at 5J 506 / 507 Manila – Tuguegarao – Manila

Habang sa Philippine Airlines, kanselado ang  PR/2P 2014 Manila – Tuguegarao, at PR/2P 2015 Tuguegarao – Manila.

Kanselado rin ang Manila-Basco-Manila flights ng Skyjet na naka-iskedyul nitong Linggo.

Samantala, ilang flights ng PAL patungo at paalis ng Batanes ngayong Lunes ang kinansela na rin: PR/2P 2084 Manila – Basco; PR/2P 2085 Basco – Manila;  PR/2P 2086 Manila – Basco; at PR/2P 2087 Basco – Manila;

Higit 1,200 pamilya inilikas sa flood at landslide prone areas sa Isabela

MAHIGIT 1,200 katao ang inilikas sa probinsiya ng Isabela kasunod sa banta na dulot ng Bagyong Dodong.

Ayon sa NDRRMC, halos ang nailikas ay mga residenteng nakatira sa flood at landslide prone areas sa probinsiya ng Isabela bagama’t hindi na tutumbukin ang nasabing lugar.

Batay sa 6 a.m. update ng NDRRMC, nasa 352 families o nasa 1,213 katao ang nailikas kabilang ang 32 katao sa bayan ng Divilacan, 189 sa Maconacon, 564 sa Dinapigue at 112 sa Palanan.

Napag-alaman, ang nasabing apat na lugar ay pawang mga coastal town na prone sa flooding.

Habang 198 families ang inilikas sa bayan ng Benito Soliven dahil kinukonsidera itong landslide-prone area.

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *