CEBU CITY – Nilalanggam na ang isang babaeng sanggol at himalang buhay makaraan itapon ng kanyang ina nang iluwal sa damuhan sa Maria Luisa Village, Brgy. Busay sa Lungsod ng Cebu kamakalawa.
Ayon kay Busay Brgy. Kapitan Yudi Sanchez, kilala na nila ang 40-anyos ina na kasalukuyan nang nasa Cebu City Medical Center.
Ayon kay Sanchez, malusog ang sanggol nang matagpuan ng isang guwardiya kahit na pinagkakagat na ng mga langgam.
Kuwento ng guwardiya, may narinig siyang may umiiyak na sanggol malapit sa kanyang kinatatayuan.
Kaya’t pinuntahan niya at nakita ang nilalanggam na sanggol.
Nasa kustodiya na ng DSWD ang sanggol habang pinag-aaralan ng ahensiya ang kasong posibleng isampa sa ina ng sanggol.
HATAW News Team
PATAY NA SANGGOL, FETUS NATAGPUAN SA TONDO HOUSING STATION
ISANG patay na sanggol at tinatayang limang-buwan fetus ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Temporary Housing sa Tondo, Maynila kamakalawa ng umaga.
Ayon sa imbestigasyon ni PO3 Jun Bernardo, ng Raxabago-Tondo Police Station 1, unang natagpuan ang bagong silang na sanggol sa public toilet dakong 9 a.m. ng mga residente sa Bldg. 12, Temporary Housing.
Dakong 10 a.m. ay napulot ng isang basurero ang fetus na nakabalot sa papel malapit sa basurahan sa Bldg. 3.
Agad iniulat nina Kagawad Marlyn Salas at Brgy. Tanod Imelda Bermejo ng Brgy. 105, Zone 8, ang insidente sa mga awtoridad.
Nagresponde ang grupo ni Chief Insp. Ariel Caramoan ng Smokey Mountain PCP, upang imbestigahan ang dalawang insidente ng pag-abandona sa patay na sanggol at fetus.
(LEONARD BASILIO, may dagdag na ulat sina MARY JOY SAWA-AN, DARWIN MACALLA, at JOSHUA MOYA)