PUMASA na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukalang pagpapatupad ng National ID System sa bansa.
Nakapaloob sa substitute bill na House Bill 5060, inihain nina Reps. Gloria Macapagal Arroyo, at Rufus Rodriguez, ang naturang identification system ay magtataglay ng mga kaukulang impormasyon ng bawat indibidwal.
Obligado ang bawat mamamayan, sa loob man o labas ng Filipinas, na magparehistro ng kanilang personal information katulad ng retrato, kapanganakan, kasarian at pirma.
Unti-unti nitong pagsasamahin ang lahat ng government identification system sa isang mas episyenteng ID system. May kapasidad din itong magtaglay ng biometric data ng individual cardholder.
Sino mang tao na magbigay ng maling impormasyon sa kanyang pag-a-apply ng I.D. ay papatawan ng P50,000 hanggang P500,000 multa at pagkakakulong ng anim buwan hanggang dalawang taon. (JETHRO SINOCRUZ)