KUNG sa lungsod ng Quezon ay binansagang ‘killer hiway’ ang Commonwealth Avenue, ganito na rin ang kinatatakutang Ninoy Aquino Avenue , ‘di kalayuan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 sa lungsod ng Pasay.
Halos dalawang magkasunod na insidente ang nangyari nitong Miyerkoles na isang babae ang nabundol nang rumaragasang sasakyan na naging dahilan ng kanyang malagim na kamatayan.
Kinilala ang biktimang si alyas Joy, nasa hustong-gulang, walang permanenteng tirahan, at sinasabing may problema sa pag-iisip.
Pasado 11 a.m. nang makita ang biktimang gumagala sa Brgy. 199 ng Rivera Village, hinubad ang saplot sa katawan at sumayaw.
Makalipas ang mahigit dalawang oras ay naglakad sa gitna ng ‘killer hi-way’ ngunit nabundol ng isang UV Express van.
Basag ang bungo ng biktima nang tumama ang ulo sa windshield ng sasakyan at tumilapon nang ilang metro sa kalsada.
Samantala, isang ginang ang malubhang nasugatan nang mabundol ng isang motorsiklo habang tumatawid sa kahabaan ng NAIA Avenue kamakalawa.
Isinugod ng MIAA Medical Team sa ospital ang biktimang kinilalang si Editha Grana, 59, may-asawa, naninirahan sa Pildera 2, NAIA, Pasay City.
Si Grana ay nagkaroon nang matinding pinsala sa katawan habang ang may-ari ng motorsiklo na si Eugene Paranal, 39, may-asawa, tubong Batangas, naninirahan sa Blk. 4, Lot 33, Lidi-an, Carsadang Bago, Imus, Cavite ay nagkaroon ng pinsala sa kanang braso at tuhod.
Mapalad na hindi napuruhan ang bunsong kapatid ni Paranal na si Ed Mark, 18, tumilapon din sa nasabing insidente.
Napag-alaman sa impormasyon, galing ang magkapatid sa Makati City at binabagtas nila ang kahabaan ng NAIA Avenue sakay ng Yamaha motorcycle (NA93935) ngunit pagsapit sa harapan ng Andoks Lechon ay biglang tumawid si Grana kaya’t siya ay nabundol.
Bunsod nito, nananawagan si Kagawad Jojo Sadiwa ng Bgy. 199, Zone 20, sa publiko na iwasang tumawid sa gitna ng hi-way dahil marami nang nasagasaan dito at may inilaang ‘footbridge’ na tamang tawiran ng mga tao para makaiwas sa disgrasya.