LIMANG mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isinasangkot sa pagdukot, tangkang pangingikil, at pagbugbog sa isang vendor sa Cubao, Quezon City.
Tatlo sa limang pulis na nabanggit ang inaresto ng kanilang kabaro sa isinagawang rescue operation sa nasabing lugar.
Sa pulong balitaan, kinilala ni Chief Supt. Joel D. Pagdilao, ang tatlong nadakip na sina PO1 Crispin Cartagenas, nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU); PO1 Israel Cerezon, at PO1 Emmanuel Tabora, kapwa nakatalaga sa Cubao Police Station 7.
Nadakip din ang civilian asset ng grupo na si John Mark Castañeda, 32, ng 171 Sitio Maningning, Brgy. San Isidro, Montalban, Rizal.
Ayon kay Pagdilao, agad din niyang ipinag-utos ang manhunt operation sa dalawa pang pulis na sina PO1 Christian Felipe at PO2 Antonio Timorio,
Ang kaso sa limang pulis at isang sibilyan ay bunga ng reklamo ni Rey Manlapaz, ng 356 Roman St., Brgy. Balumbato, San Juan City, dinukot at illegal na ikinulong sa Arayat, Cubao. Sinasabing binugbog pa ang biktima ni PO1 Tabora.
Sa imbestigasyon, nitong Mayo 5, dakong 9 a.m. sinamahan ng mga pulis-San Juan City si Zaldy, kapatid ng biktima, sa Cubao PS-7 para alamin kung saan dinala si Rey na dinampot ng nagpakilalang pulis-QC dakong 2 a.m. sa San Juan.
Nakatanggap din si Zaldy ng text na ipinatutubos ng P30,000 ang kanyang kapatid sa Arayat Market, Cubao kaya agad nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng PS 7 na nagresulta sa pagkaaresto sa tatlong pulis at sa civilian asset.
Almar Danguilan