TULOY na ang pagpapa-opera sa lalamunan ni Nora Aunor. Gagawin ang operasyon sa Amerika at ang magfi-finance nito ay ang mabait na TV host na si Kuya Boy Abunda.
Kilalang Noranian ang award-winning TV host at ayon sa Superstar, ang pangakong tulong na financial ni Kuya Boy ay naibigay na raw sa kanya.
Sa Boston, Massachusetts isasagawa ang kanyang operasyon. Inaasahang ito ang makapagpapabalik sa kanyang boses para muli siyang makakanta.
“Naka-schedule akong umalis ng June 7 at naka-schedule akong operahan ng June 10,” saad ng premyadong aktres.
Nagpahayag din siya ng positibong pananaw sa gagawing medical procedure sa kanya sa US. “Malakas ang loob ko at ang tiwala ko rin sa Panginoon, hindi naman siguro Niya ako pababayaan. Matagal ko nang hinihintay ito na maoperahan ako, para maibalik ulit iyong aking pag-awit para sa mga kababayan ko.”
Muling humahataw ngayon ang career ni Nora. Ilang Best Actress award na rin ang natanggap niya sa mga nakalipas na buwan. Ang latest dito ay nang manalo siya para sa Outstanding Performance By An Actress In A Single Drama/Telemovie Program mula sa aming 6th Golden Screen TV Awards, para sa kanyang pagganap sa Studio5 Original Presents: When I Fall In Love mula sa TV5.
Kamakailan lang, ginawaran si Nora ng Lifetime Achievement Award sa katatapos na ASEAN International Film Festival na ginanap sa Malaysia. Dito’y nakatanggap siya ng standing ovation mula sa audience sa pangunguna ng international action star na si Jackie Chan, na awardee rin sa naturang event.
Pero ang masasabing isa sa biggest achievement ni Nora sa ngayon ang pagkakasali ng pelikula niyangTaklub sa Un Certain Regard section ng Cannes International Film Festival.
“Ito iyong Taklub na ginawa namin sa Tacloban tungkol sa aftermath ng Yolanda. Iyong tungkol sa survivor, iyon ang kinunan namin doon.
“Masayang-masaya ako dahil ito bale yung pangalawang pelikulang nakapasok sa Cannes. Kasi yung una ay Bona,” saad ng aktres.
Ang Bona ay ginawa niya noong 1980 kasama si Phillip Salvador. Ito ay mula sa pamamahala ni Direk Lino Brocka. Samantalang ang Taklub naman ay mula sa direksiyon ni Brillante Mendoza, na isang Cannes awardee.
ni Nonie V. Nicasio