“FIGHT AGAINST CORRUPTION is fight against poverty.” Ito ang ipinahayag ni Atty. Levito Baligod kasabay ng panawagan kay Department of Justice Secretary Leila De Lima na huwag umatras sa laban nito kontra korupsyon sa isinagawang press conference kahapon sa Ermita, Maynila. (BONG SON)
IGINIIT ng dating abogado ng whistleblower na si Benhur Luy, sa Department of Justice (DoJ) na huwag isantabi ang pagsasampa ng kaso sa third batch ng mga sangkot sa pork barrel scam dahil sa sinasabing mas importanteng kasong kailangang lutasin.
Sa press conference sa Ermita, Maynila kamakalawa, ipinanawagan ni Atty. Levito Baligod na isampa na ni Justice Secretary Leila de Lima ang kaso sa third batch ng mga sangkot sa PDAF scam na ilang taon na ang nakalilipas ay wala pa ring aksiyon ang DoJ.
Magugunitang noong Hunyo 2014, sinabi ni De Lima na ilang linggo na lamang ang bibilangin at maikakasa na ang kaso sa Office of the Ombudsman.
Kabilang sa third batch ng mga kakasuhan ay mga alyado ng kasalukuyang administrasyon.
Binigyan ni Baligod ng palugit si De Lima nang hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon sa pagsasampa ng kaso.
Kung hindi aniya uusad ang proseso ay siya na mismo at ang kanyang grupo ang maghahain ng kaso sa Office of the Ombudsman.
Kinompirma niyang kabilang sa third batch ng mga kakasuhan ang 34 kongresista na hindi niya pinangalanan, ngunit walang kasamang senador. (ULAT nina MARY JOY SAWA-AN, DARWIN MACALLA, at JOSHUA MOYA)