ni Ed de Leon
HINDI lang masasabing “second wind”. Bale “third wind” na iyang bubunuing iyan ni Willie Revillame sa pagsisimula ng bago niyang show. Pero malaki ang kaibahan ng kanyang show ngayon. Kung noong araw, siya ay isang talent na sinusuportahan ng ABS-CBN, at noong lumipat naman siya sa TV5 ay isa siyang host na siya ring nasusunod sa lahat ng gusto niya sa kanyang programa, at ginagastusan siya ng TV5, ngayon ay iba na.
Una, weekly na lang ang kanyang TV show. Hindi natin masasabi, baka naman maging maganda ang resulta at hanapan siya ng daily time slot, pero sa ngayon weekly lang siya. Siya ang nagpapagawa ng kanyang gagamiting studio para sa kanyang show. Siya rin ang producer ng show niya. Siya rin ang magbabayad ng air time, dahil lumalabas na blocktimer lang siya sa Channel 7. Ibig sabihin, hindi siya talaga kinuha ng network, pumasok siya sa network bilang blocktimer. Walang lugi ang network diyan, dahil tuwing lalabas ang show, kailangan niyang bayaran ang air time. Si Willie mismo ang sumusugal ngayon. Siya ang namumuhunan para sa kanyang show.
Matapos ang mahigit na isang taon na nabakante siya, maliwanag na walang network na gustong kumuha sa kanya, dahil siguro sa natatakot sa mga term na hihingin niya, at saka buhay pa yata iyong kaso nila sa ABS-CBN, meaning ang sino mang makikihalo roon damay na naman sa demanda.
Pero matindi ang challenge na iyan kay Willie, na mabuti naman at gusto niyang harapin. Iyan nga ang masasabi na siguro nating “moment of truth” para sa kanya. Iyan ang klase ng venture na “make or break” talaga. Kung makukuha ni Willie ang suporta ng mga advertiser, at mapapangatawanan niya ang pagbibigay ng malalaking premyo kagaya niyong dati, patok siya. Kung hindi naman, malabo iyan. Bakit naman siya magbibigay ng ganoon kalalaking premyo kung hindi naman masusuportahan ng advertising revenue ng show? Doon lang sa bayad niya sa air time eh, para siyang natamaan ng dalawang milyon agad. Up hill climb iyang show na iyan, na sana naman matagalan niya.