Mag-isip na si Pacman
hataw tabloid
May 4, 2015
Opinion
NGAYONG tinalo na si Manny “Pacman” Pacquiao ni Floyd Mayweather Jr., panahon na sigurong magdesisyon ang Pambansang Kamao kung anong career ang kanyang pipiliin.
Mukhang dapat pag-isipan ni Pacman ang pagreretiro sa boksing at mamili ng propesyon na kanyang higit na pagtutuunan ng pansin.
Maraming pagpipiliang career si Pacman.
Basketbolista, artista, preacher, singer, commercial model, o, mag-concentrate na lang sa politika?
Sa mga suntok na sinalo ni Pacman kay Mayweather Jr., natauhan na tiyak siya at hindi na magiging salawahan. Madali na siyang makapagdedesisyon at higit na may maayos na disposisyon kung ano ang kanyang tunay na magiging propesyon.
At ngayong hari na ng boksing si Mayweather Jr., hindi na pwedeng maging basketbolista si Pacman. Papatulan na siya ng mga kalabang basketball player at tiyak na bubutatain kung siya ay titira.
Hindi rin pwedeng artista, tiyak magiging flop ang kanyang pelikula.
Hindi rin pwedeng commercial model, kasi, walang bibili sa produktong kanyang iendoso.
Kung magpapatuloy naman siyang kongresista, hindi na rin uubra. Last year, top absentee si Pacman, at kung magpapatuloy lang ito, malamang patalsikin siya sa Kongreso.
Preaching ang dapat na pagtuunan ng pansin ni Pacman. Higit na maiintindihan siya ng taumbayan kung ang salita ng Diyos ang kanyang ipangangaral.
Pero hindi dapat malungkot si Pacman dahil kung tutuusin panalo pa rin siya pagdating sa pera. Bukod sa US$80 million na matatanggap sa boksing, milyones pa rin ang makukuha ni Pacman sa kanyang product endorsement.
Sa pag-uwi ni Pacman, sasalubungin pa rin siya ng kanyang mga supporters kabilang si Comm. Kim Henares ng BIR para pagbayarin siya ng buwis na kanyang pagkakautang.