INILUWAS ng mga tauhan ng Cabanatuan police patungo sa PNP GHQ sa Camp Crame sa Quezon City ang sinabing sumukong recruiter ni Mary Jane Veloso na si Maria Kristina Sergio. Kasama ni Sergio ang kanyang abogadong si Atty. Percida Acosta ng Public Attorneys’ Office (PAO) nang humarap kay DILG Secretaray Mar Roxas, PNP chief, Gen. Leonardo Espina at Justice Secretary Leila De Lima. (ALEX MENDOZA)
ANG mga ikakantang impormasyon ni Filipina drug convict Mary Jane Veloso kaugnay sa sindikato ng droga ang posibleng magligtas sa kanya sa bitay, ayon kay Pangulong Benigno Aquino III.
Sa isang ambush interview sa Naga City, Cebu kahapon, sinabi ng Pangulo na kung makikipagtulungan si Veloso sa pag-usad ng kaso para madakip, malitis at masenstensiyahan ang mga miyembro ng drug syndicate na bumiktima sa kanya, maaaring mapalawig pa ang kanyang buhay.
Tiniyak ng Pangulo na hahabulin ng gobyerno ang mga sindikato hanggang kung saan umabot ang mga ebidensiya para malitis at mahatulan ang mga nagkasala.
“Hahabulin natin kung hanggang saan umabot ‘yung ebidensiya para ma-prosecute ‘yung mga nagkasala at in that sense, baka para maituro na rin ‘yung other linkages with the alleged another foreigner who passed the drugs to her. Baka we might get hints. We might be able to capture them or other members of the syndicate. And if Mary Jane becomes very very helpfulý in the process, well that might be a basis for extending some clemency,” aniya.
(ROSE NOVENARIO)
KAMPO NI MJ NAGHAHANDA NA SA PRELIM PROBE VS RECRUITER
NAGHAHANDA na ang kampo ni Mary Jane Veloso kaugnay ng itinakdang preliminary investigation ng Department of Justice (DoJ) laban sa sinasabing illegal recruiter na si Maria Kristina Sergio.
Ayon kay Atty. Edre Olalia ng National Union of Peoples’ Lawyers in the Philippines (NUPL) na kababalik lang ng Filipinas kasama ang pamilya Veloso mula sa Indonesia.
Sinabi ni Olalia, tatayo silang taga-NUPL bilang private prosecutor ni Veloso sa pagdinig sa Mayo 8 at 14.
Tatayong complainant at witness sa kaso si Veloso ngunit makikipag-ugnayan pa ang mga abogado sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para mabilis na makuha ang testimonya ni Mary Jane mula sa Indonesia.
“Makikipag-coordinate tayo sa mga kinauukulang mga ahensiya ng gobyerno, halimbawa ‘yung DoJ, DFA, ‘yung PDEA tapos ‘yung Inter-Agency Council Against Trafficking at iba pa para malaman ‘yung pinakamabilis, pinakamaayos, pinakamasinop na pamamaraan para makuha ‘yung buong salaysay ni Mary Jane,” ani Olalia.
Siwalat din niya, bukod kay Veloso, may tatlo pang biktima si Sergio at live-in partner na si Julius Lacanilao, na natunton ng grupong Migrante at panunumpaan ang salaysay.
Dagdag-akusasyon ni Olalia, gumagamit ng ibang pangalan si Sergio at madalas bumiyahe sa ibang bansa.
Bahagi aniya ng imbestigasyon, “Bibigyan ng pagkakataon sina Tintin (alyas ni Sergio) at Julius na sagutin ‘yung mga reklamo tungkol sa human trafficking.”