TAHASANG sinabi ni Senador Sonny Angara sa pamahalaan na ang paglilikha nang maraming trabaho at mataas na suweldo ang susi upang hindi na makipagsapalaran sa ibang bansa ang mga Filipino para lamang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ayon kay Angara, marapat lamang na pakinabangan ng Filipinas ang kakayahan at talento ng mga Filipino.
“Sabihin na nating malaki ang naitutulong ng kanilang remittances sa ating ekonomiya, pero hahayaan na lang ba natin maging employment agency tayo ng buong mundo? Palagay ko, mas marami pa rin sa ating mga manggagawa ang nanaising dito na lang magtrabaho kung may magandang pasahod,” ani Angara, acting chairman ng Senate Committee on Labor and Employment and Human Resources. Sa datos ng DFA, mahigit 1,000 Filipino na ang nabibiktima ng human trafficking, habang ang OFWs na nahaharap sa parusang kamatayan sa iba’t ibang bansa dahil sa kaso ng droga ay umaabot na sa 88.
“Hanggang ngayon, napipilitan pa rin ang ating mga manggagawang lumabas ng bansa para humanap ng trabahong may mas mataas na sweldo. Alam nila ang panganib na maaari nilang sapitin sa pangingibang bansa, pero ginagawa nila iyon para sa kapakanan ng kani-kanilang pamilya,” ayon pa sa senador. (NIÑO ACLAN)