CEBU CITY – Sinalubong ng kilos protesta ang pagpunta ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Cebu para sa pagtitipon kaugnay sa Labor Day celebration.
Sa itinerary ng presidente, dumalo siya sa isang job fair sa J. Mall sa lungsod ng Mandaue, Cebu at pagkatapos ay pumunta sa Philippine labor market forum sa bagong tayong gusali ng University of Cebu Medical Center.
Itinakda ring magbigay ng talumpati ang pangulo at magsasagawa ng tour sa bagong pasilidad ng cement plant sa lungsod ng Naga, Cebu.
Nabatid na binulabog ng mga raliyesta ang kalsada kung saan dumaan ang pangulo.
Nagawang mag-ingay at magbitbit ng mga plackards ang mga dumalo kaugnay sa kapalpakan ng kanyang administrasyon.
Hindi gaanong nakalapit ang mga nagpoprotesta dahil sa dami ng mga pulis na nagsagawa ng human barricade at may nakaantabay pa na firetruck.