TALIWAS sa pahayag ng National Electrification Administration (NEA), posible pa rin magka-brownout sa Mindanao sa bakbakang Manny Pacquiao-Floyd Mayweather Jr. sa Linggo, Mayo 3.
Sinabi ni Department of Enery (DoE) Secretary Jericho Petilla, batay ito sa pagre-review niya sa kontrata ng mga kooperatiba sa rehiyon.
Una nang inireklamo ni Jaime Rivera, regional governor ng ARMM Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na manipis pa rin ang suplay ng koryente sa kanilang lugar dahil mahina pa rin ang produksyon ng hydroelectric plant sa Maria Cristina Falls, kaya pinangangambahang mawalan sila ng koryente sa araw ng “Fight of the Century.”
Gayonman ani Petilla, malaki pa rin ang posibilidad na walang brownout dahil mababa ang demand ng koryente sa Linggo.
“Kaya malakas siguro ang loob ng NEA na magsabi nito na walang brownout kasi nakikita rin natin na it is a Sunday, umaga pa kamo, walang pasok ‘yung mga tao, walang trabaho, ‘yung mga factory hindi muna gagamit ng koryente,” ani Petilla.
Muli rin niyang iginiit na: “Sisikapin natin na walang brownout kasi gusto ko talagang makita ng buong bayan kung paano patumbahin ni Pacquiao si Mayweather.”
Nilinaw ni Petilla na bagama’t nagbitiw na siya ay tumatayo pa rin siyang kalihim ng DoE dahil pinaplantsa pa ang transisyon sa kagawaran.
(JAJA GARCIA)