ISINAMPA ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice ang magkakahiwalay na tax evasion complaints sa walo katao na sangkot sa P414 million unsettled obligations.
Ayon kay Revenue Commissioner Kim Henares, ang walo katao ay haharap sa kaso dahil sa pagmamatigas at tangkang hindi pagbabayad ng buwis, kabiguang magbigay nang tamang impormasyon sa annual income tax return at quarterly value added tax returns.
Aniya, ang walong taxpayers ay maaaring humarap sa lahat o kombinasyon ng kaso.
Ayon sa BIR, si Emmanuel Avila, presidente ng Avila Metal Products sa San Juan City ay may tax liability na P254.2 milyon, habang si John Aricheta, operator ng Metropolitan Caltex Service Station sa Sta. Cruz, Manila, ay may utang sa gobyerno na P3.93 milyon sa hindi nabayarang tax noong 2008.
Sinampahan din ng BIR ang mga opisyales ng Lechten Trading Corp. sa Malate, Manila dahil sa tax liability na aabot sa P86.46 milyon noong 2007.
Kasama rito ang presidente ng kompanya na si Janil Calabines, finance officer Danilo Salice, at secretary Douglas Cochesa.
Kinasuhan din ang mga opisyal ng Wintelecom sa Malate, Manila, kasama ang presidente na si Winston Uychiyong at treasurer na si Hua Uychiyong dahil sa P22.45 milyong hindi nabayarang tax noong 2007.
Habang inakusahan ng BIR si Antonio Saldana Vianzon ng Orani Builders Supply ng Bataan, dahil sa unpaid tax na P47.26 milyon noong 2013.