Unyonista, endo workers sanib-puwersa kontra kontraktuwalisasyon (Ngayong Mayo Uno – Araw ng Paggawa)
hataw tabloid
May 1, 2015
News
DALAWANG araw bago ang Araw ng Paggawa, nagrali kasabay ng pakikipag-diyalogo ang mga kasaping pangulo ng Union Presidents Against Contractualization (UPAC) at mga kasapi ng Solidarity of Workers Against Contractualization (SWAC) sa opisina ni Secretary Rosalinda Baldoz ng Department of Labor and Employment (DOLE) para hingin na ibasura ang kontraktuwalisasyon sa sistema ng paggawa sa bansa.
Tinukoy ng mga raliyista ang Department Order 18-A (DO 18-A) na nagpapatibay ng mga alituntunin sa kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa.
Tahasang sinabi ng mga grupo ng mga manggagawa na ang DO 18-A ay “isang pandaraya sa kanilang mga karapatan na maging regular sa trabaho at upang gawing legal ang karumal-dumal na sistema ng kontraktuwalisasyon sa pag-eempleyo sa bansa.”
Nanawagan si Leni Ogarte, chairperson ng UPAC, na kailangan ang agarang pagbabasura sa kontraktuwalisasyon dahil malawakan at sistematikong ang pagsasamantala ng sistemang ito sa milyong manggagawa mula nang ito’y ipinatupad noong Nobyembre 2011.
Aniya, “Ang DO 18-A ay labag sa Artikulo XIII, Seksyon II, sa karapatan ng mga manggagawa sa regular na hanapbuhay, makataong kalagayan sa trabaho at sahod na nakabubuhay ng pamilya, kung kaya’t ito’y ilegal.
“Ang Artikulo XIII, Seksyon II ay batas na talamak na nilalabag sa bansa mula nang manungkulan si Noynoy Aquino,” dagdag ng lider-manggagawa.
9-M pinoy walang trabaho — SWS
PUMALO sa 9 milyon ang bilang ng mga Filipino na walang trabaho sa unang quarter ng 2015.
Batay ito sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Marso 20 hanggang 23 sa 1,200 respondents na edad 18 pataas.
Katumbas ito ng 19.1% joblessness rate na pinakamababa simula noong 2010. Nitong huling quarter ng 2014, pumalo pa sa 27% ang joblessness rate na katumbas ng 12.4 milyong Filipino.