ni Ed de Leon
INAMIN man ni Kris Aquino na maaaring isa nga siya sa mga dahilan kung bakit tinanggal ang kanilang gossip talk show, iyong The Buzz, palagay namin hindi siya talaga ang dahilan. Nagagalit daw ang staff ng show kay Kris dahil nawalan sila ng trabaho. Eh ano ba? Hindi ba nawala na rin naman sa show na iyan si Kris noong araw? Nag-survive naman ang show na iyan kahit wala siya. Kaya sasabihin ngayon na ang dahilan kung bakit nawala ang show ay dahil ayaw na niyang magtrabaho on Sundays para mas mabigyan ng panahon ang kanyang mga anak?
Aminin na natin ang katotohanan na hindi naman kasi kataasan ang ratings ng show na iyon. Nalalagpasan na nga sila lately ng mga nakakatapat nila, at ngayong papasok si Willie Revillame sa halos katapat na time slot, ano nga ba ang maaasahan ninyo? Huwag ninyong sabihin sa amin na mahigit isang taon nang nawala sa TV si Willie. Sa hirap ng buhay sa Pilipinas ngayon, kung ang isang show ay magbibigay ng milyon-milyong piso, ano nga ba ang maaaring ilaban diyan ng isang show na wala ka namang makukuha kundi tsismis? Parang pinagkompara mo ang pagbabasa ng isang maraming lamang bank book at pagbabasa ng isang local na pocketbook.
Kaya natural lang naman na umisip ang network niyong klase ng show na matalo man, hindi naman ilalampaso sa ratings ng kalaban. Isipin mo nga naman, sanay silang mataas ang ratings nila, tapos magkakaroon sila ng show na malalampaso lang.
Tama iyong desisyon nila, tapatan ng isang game show ang show ni Willie. Magpapagalingan na lang sila ng hosts at magpapataasan ng premyo. Iyon lang ang panlaban mo sa ganoong show.
Hindi mo naman masasabing kaya ni Kris ang ratings niyon. Lalo na nga sa panahong ito, na sa aminin man natin o hindi, bagsak ang popularidad ng mga Aquino. Ano pa ang ilalaban niya?