Hijack bulilyaso sa driver na ‘di lisensiyado (3 arestado)
hataw tabloid
May 1, 2015
News
BIGONG maidispatsa nang tuluyan ng dalawang itinurong hijacker ang kanilang mga dinambong na television sets nang masita sa isang police checkpoint at walang naipresentang lisensiya at dokumento ng sasakyan sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Kinilala ang mga naarestong hijacker na sina Aljohn Villanueva, 28, ng Balut, Tondo; at Rodolfo Teodosio, 50, ng Valenzuela City.
Kasunod na naaresto ang pinaniniwalaang financier at bumibili ng mga ninakaw na telebisyon na si Joseph Francis Lim, 20, residente rin sa Tondo.
Sa Imbestigasyon ng pulisya, nabatid na nasabat nila sa checkpoint operation sa kanto ng Jose Abad Santos Ave., at New Antipolo St., Tondo, ang minamanehong ISUZU close van (RJK 787) ni Villanueva ngunit walang naipakitang lisensiya at rehistro ng sasakyan.
Habang tinatanong si Villanueva, bumaba sa kanyang sasakyan si Teodosio para sabihin na kasama niya ang una, ngunit nang hanapan ng lisensiya at rehistro ay wala rin naipakita.
Agad dinala ng dalawa sa estasyon ng Manila Police District – Police Station 7 (Abad Santos) para sa imbestigasyon.
Habang iniimbestigahan ang dalawa, napadaan sa estasyon ang sekretarya ng Wei Dynamic Technology na si Mylene Alcano at nakita roon ang sasakyan ng kompanya.
Ayon kay Alcano ang kanilang company truck ay na-hijack sa D. Tuazon, Quezon City nitong Abril 27 dakong 5:30 a.m.
Sa interogasyon, umamin sina Villanueva at Teodosio na dinala nila kay Lim ang nga ninakaw na Astron at Pensonic TV na pinaniniwalaang nasa 50 units at nagkakahalaga ng P.4 milyon.
Kasalukuyang nakadetine ang tatlong suspek sa MPD PS7 habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 4136 (driving without license) at PD 532 (Highway Robbery) kina Teodosio at Villanueva; paglabag sa PD 1612 (Anti-Fencing Law of 1979) ang isasampa laban kay Lim.
Leonard Basilio, may dagdag na ulat sina Mary Joy Sawa-An, Darwin Macalla, at Joshua Moya