HALOS matatapos na ang 16th congress pero hanggang ngayon ay hindi pa rin pumapasa ang panukalang batas na magbibigay daan para tuluyang mawala ang parusang pagkakakulong sa batas ng libel.
Ito ang malungkot na pahayag ngayon ni Alab ng Mamamahayag (Alam) chairman Jerry Yap kaugnay sa matagal na pagkakabinbin ng panukalang batas para i-decriminalize ang libel.
“Nakapagtataka naman, halos ilang taon na ‘yan sa Senate pero hanggang ngayon ay nasa committee level pa rin ang bill to decriminalize libel. Ano na ba ang nangyari sa ating mga senador?” pahayag ni Yap.
Sinabi ni Yap na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na inaabuso at ginagamit ng ilan public officials ang batas ng libel para tuluyang masagkaan ang tinatawag na freedom of the press at mag-iwan ito ng takot sa bawat mamamahayag.
“Ngayon May 3, ipag-diriwang natin ang World Press Freedom Day, at sana naman tulungan tayo ng mga senador na tapusin na ang panukala para sa dekriminalisasyon ng libel law. Malaking tulong ito sa lahat ng mga mamamahayag kung maisasabatas ito,” pakiusap ni Yap.
Matatandaang si Yap, dating president ng National Press Club ay inaresto noong Abril 5, araw ng Linggo sa NAIA sa kasong libel.
Nakulong si Yap at nakalaya kinabukasan matapos siyang makapagpiyansa.
Sampung araw pagkaraan ay inaresto ang mamamahayag na nakabase sa Bicol na si Elmer James Bandol sa kasong libel din.
Nakalaya si Bandol, ilang oras matapos makapaghain ng piyansa.
Ang magkasunod na pag-aresto ay kapwa ikinabahala ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at ng International Federation of Journalists (IFJ).
Nitong nakaraang Linggo, muntik na rin maaresto ang dating editor ng isang tabloid na si Art Tapalla dahil rin sa kasong libel.
Agad naglagak ng piyansa ang mamamahayag para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ilan sa mga senador na may panukalang batas para sa dekriminalisasyon ng libelo ay sina Sen. Teofisto Guigona III, Sen. Sonny Angara, Sen. Allan Peter Cayetano, Sen. Gregorio Honasan, Sen. Ralph Recto, Sen. Bam Aquino, Sen. Pia Cayetano at Sen. Chiz Escudero.
“Sana ipagpatuloy ng mga senador ang mga pagdinig para tuluyang pumasa ang bill para sa dekriminalisasyon ng libelo,” pagtatapos ni Yap.
Niño Aclan