Wednesday , November 6 2024

Mary Jane nailigtas sa bitay (Kahit pansamantala)

FRONTHINDI natuloy ang pagsalang sa firing squad sa Filipina drug convict na si Mary Jane Veloso. 

Kinompirma ni Atty. Edre Olalia, legal counsel ni Veloso mula sa National Union of Peoples’ Lawyers in the Philippines (NULP), sinuspinde ng Indonesian authorities ang execution bilang pagrespeto sa legal proceedings sa Filipinas.

Ito’y kasunod ng pagsuko ng itinuturong illegal recruiter ni Veloso na si Maria Kristina Sergio, ilang oras bago matapos ang 72 oras na abiso sa execution ni Veloso nitong Martes.

Sa ulat ng Reuters, isang hindi pinangalanang tagapagsalita ng opisina ng Indonesian Attorney General ang nagkompirmang inantala ang execution kay Veloso.

Una rito, tinanggihan ni Widodo ang hirit na clemency ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III para kay Veloso at ibinasura rin ng Korte Suprema roon ang mga apela ng Filipina drug convict.

Ngunit sunod nito, una na rin tumawag si Aquino sa Indonesian Foreign Ministry na iligtas si Veloso at gawin itong testigo laban sa sindikato ng droga.

Samantala, nabatid na itinuloy ang pagsalang sa firing squad sa walong iba pang drug convicts kabilang ang dalawang Australiano, apat na Nigerian, Indonesian, at Brazilian.

PNoy nagpasalamat kay Widodo

PINASALAMATAN ni Pangulong Benigno Aquino III si Indonesian President Joko Widodo sa pagpapatigil sa pagbitay kay Filipina drug convict Mary Jane Veloso kahapon ng madaling araw bilang pagbibigay konsiderasyon sa kanyang apela.

“The Philippine government thanks President Widodo and the Indonesian government for giving due consideration to President Aquino’s appeal that Mary Jane Veloso be given a reprieve,” ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr.

Ang pagkasuspinde aniya ng pagbitay kay Veloso ay nagbibigay ng oportunidad para busisiin ang kanyang testimonya na maaaring magbigay liwanag kung paano siya nilinlang ng sindikato para maging bahagi ng kanilang drug trafficking activities.

Rose Novenario

Veloso ibinalik sa kulungan sa Yogyakarta

INALIS na sa tinaguriang execution island ng Indonesia ang Filipina drug convict na si Mary Jane Veloso.

Ito’y makaraan ipagpaliban ng Indonesian authorities ang pagsalang kay Veloso sa firing squad sa Nusakambangan Island bilang respeto sa legal proceedings ng Filipinas, kasunod na rin ng pagsuko ng sinasabing illegal recruiter na si Maria Kristina Sergio.

Sa press conference nitong Miyerkoles ng tanghali, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Charles Jose, nakabalik na sa kulungan sa Yogyakarta si Veloso. 

MJ tetestigo vs recruiter

NANINIWALA ang Department of Foreign Affairs (DFA) na kaya ipinagpaliban ng pamahalaan ng Indonesia ang pagpataw ng parusang bitay ay upang mabigyan ng pagkakataon si Mary Jane Veloso na tumestigo laban sa sumukong recruiter.

Ginawa ni DFA Secretary Albert Del Rosario ang pahayag sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag sa DFA office sa Pasay City.

TF MJ itinatag

ITINATAG ng administrasyong Aquino ang “Task Force Maryjane” sa layuning palakasin ang mga ebidensiya laban kay Kristina Sergio, ang recruiter ng Filipina drug convict na si Mary Jane Veloso.

Sinabi kahapon ni Secretary to the Cabinet Rene Almendras, ang task force ay pangangasiwaan ni Justice Secretary Leila de Lima.

Magtutulungan aniya ang gobyerno ng Filipinas at Indonesia para habulin at mapanagot  ang mga sangkot sa drug trafficking na nagdala kay Veloso sa kulungan at sa hatol na kamatayan.

Gagawin aniya ng gobyerno ang lahat ng paraan para maibigay sa Indonesia ang mga kakailanganing ebidensiya upang mapanagot  ang mga nasa likod ng pagpasok ng illegal na droga sa Indonesia.

Rose Novenario

Sergio tumangging may kinalaman

NANINDIGAN si Maria Kristina Sergio na wala siyang kinalaman sa illegal na drogang nakompiska kay Mary Jane Veloso sa Indonesia noong 2010.

Si Sergio ang itinuturong recruiter ni Veloso na sumuko sa Nueva Ecija nitong Martes ilang oras bago matapos ang 72 oras na abiso sa execution ng Filipina drug convict.

Iginiit ni Sergio na tulong pinansyal lamang patungong Malaysia ang ibinigay niya kay Veloso.

Pinautang aniya niya si Veloso ng P22,000 para sa ticket at P10,000 pocket money bukod pa sa bayad sa hotel at pagkain sa Malaysia sa kagustuhan ni Veloso na makahanap ng trabaho roon.

Mariin din itinanggi ni Sergio na sa kanya galing ang nakompiskang maleta kay Veloso na naglalaman ng heroin.

“Naninindigan po talaga ako na wala akong alam sa sinasabi niyang bag at ni bahid po sa ‘kin, wala po akong alam sa droga,” giit ni Sergio.

Kaso vs recruiter madaliin – Angara

HINIMOK ni Senador Sonny Angara ang pamahalaan na madaliin ang kasong isasampa laban sa recruiter ni Mary Jane Veloso. Kasunod ito nang matagumpay na apela para pigilan ang nakatakdang pagbitay sa nasabing Filipina drug convict. Ayon kay Angara, dapat mapatunayan sa hukuman ng Indonesia na talagang na-set up lamang  si Veloso at hindi niya batid na may lamang illegal na droga ang dala niyang maleta na ipinakisuyo lamang sa kanya. Iginiit ni Angara na dapat matiyak ng pamahalaan na mapapababa ang sentensiya kay Mary Jane upang hindi na matuloy ang pagbitay sa kanya.

Niño Aclan

Kaso ni Veloso dapat maging aral sa PH government

BINIGYANG-DIIN ni Senadora Cynthia Villar  na dapat maging halimbawa at babala sa pamahalaan ang nakatakdang pagbitay kay Mary Jane Veloso sa bansang Indonesia para agad matulungan ang overseas Filipino workers (OFWs) na nahaharap sa parusang bitay. “Ang kaso ni Mary Jane ay hindi bago, noon pa man ay mayroon na tayong nalalaman na mga kaso ng illegal recruiters na nagsasamantala sa ating mga kababayan na nasa probinsya na lubhang nangangailangan ng trabaho at kumita. At karamihan sa mga Pinoy na nasa death row sa ibang bansa ay pawang mga biktima nila,” ani Villar.

 “Inosente man o hindi basta Filipino na bilanggo sa ibang bansa ay may karapatan at nararapat lamang na saklolohan at tulungan ng pamahalaan,” dagdag ni Villar.

Niño Aclan

About hataw tabloid

Check Also

Malacañang suspends 3 Dagupan councilors

Malacañang suspends 3 Dagupan councilors

The Office of the President suspended Dagupan City Councilors Redford Erfe-Mejia, Alipio “Alf” Serafin Fernandez, …

Brian Poe Lamanzares FPJ Panday Bayanihan party-list

Serbisyong legal para sa kapos-palad kaloob ng lawyers group at FPJ Panday Bayanihan party-list

SISIMULAN na ang mga serbisyong legal at konsultasyon sa darating na Biyernes, 8 Nobyembre, makaraang …

DOST NCR Launches Regional Science, Technology, and Innovation Week to Promote Green Economy Solutions in Metro Manila

DOST NCR Launches Regional Science, Technology, and Innovation Week to Promote Green Economy Solutions in Metro Manila

The Department of Science and Technology National Capital Region (DOST NCR) launched its annual Regional …

DOST I empowers Community with Potable Water Solutions, deploys SAFEWATRS Technology in Umingan, Pangasinan

DOST I empowers Community with Potable Water Solutions, deploys SAFEWATRS Technology in Umingan, Pangasinan

To provide a reliable emergency potable water system, the Department of Science and Technology (DOST) …

Pasig City

Pasig City gov’t political officer bistadong lider ng ‘troll campaign’

PASIG City – Isang Universal Serial Bus  (USB) ang nagbisto sa sinabing ‘troll campaign’ operations …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *