Mary Jane humiling simpleng damit, make-up sa burol (Hatinggabi posibleng bitayin)
hataw tabloid
April 29, 2015
News
NAGING madamdamin ang huling pagsasama ni Mary Jane Veloso at ng kanyang pamilya bago ang nakatakdang pagbitay.
Sabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Charles Jose, bagama’t mistulang tanggap na ng pamilya Veloso ang sasapitin ni Mary Jane, umaasa pa rin sila ng himala.
Nagbilin aniya si Mary Jane ng simpleng damit at simpleng make-up kapag ibinurol na siya.
Matatandaan, bahagi ng huling kahilingan ni Mary Jane ay maiuwi ang kanyang labi sa Filipinas.
Nagpasalamat ang 30-anyos Filipina kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III at sa mga Filipino na nagdasal para sa kanya.
Samantala, bagama’t sinabi ng mga awtoridad sa Indonesia na hindi iaanunsiyo ang petsa ng pagbitay kay Mary Jane Veloso at walong iba pa, malaki ang posibilidad na isagawa ito sa hatinggabi.
Sinabi ni Connie Bagas-Regalado, chairperson ng Migrante Sectoral Party, kasalukuyang nasa Indonesia, karaniwang hatinggabi isinasagawa ang mga pagbitay sa Indonesia.
“Ang alam po namin ay 8:00 pm mag-start na ‘yung preparation,” sabi ni Regalado. “Nakapwesto na rin ‘yung mga pulis at maging ‘yung mga hotel punong-puno ng mga pulis… As practice, ang binabanggit ay 12 midnight [1 a.m. sa Filipinas] ang execution. “
Isang oras na abante ang oras ng Filipinas sa Indonesia. (HNT)
PNOY BIGONG MAISALBA SI MARY JANE
IKINALUNGKOT ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagkabigong maisalba sa bitay ang drug convict na si Mary Jane Veloso nang hindi niya makombinse si Indonesian President Joko Widodo na maging state witness ang Filipina laban sa sindikato ng droga.
Sa kanyang talumpati nang bumalik sa bansa mula sa 26th ASEAN Summit sa Malaysia, sinabi ng Pangulo na nagkasundo ang Filipinas at Indonesia na paigtingin ang pagsusumikap laban sa sindikato ng droga upang hindi na maulit ang kaso ni Veloso.
Matatandaan, humirit ng humanitarian consideration si Pangulong Aquino kay Widodo para kay Veloso kamakalawa ng umaga nang mag-usap sila at kahapon nama’y ipinabatid niya na nakahanda na ang Filipina drug convict na ikanta ang lahat ng nalalaman sa drug syndicate, na parehong ibinasura ng Indonesian government.
(ROSE NOVENARIO)
RECRUITER SUMUKO NA
SUMUKO na sa mga awtoridad ang itinuturong illegal recruiter ni Mary Jane Veloso.
Hawak na ng Nueva Ecija Provincial Police Office si Maria Kristina Sergio makaraan kusang sumuko nitong Martes ng umaga.
Si Sergio o Mary Christine Gulles Pasadilla ang sinasabing nag-alok ng trabaho sa abroad kay Veloso na hinatulan ng kamatayan makaraan mahulihan ng droga sa Indonesia noong 2010.
Sinabi ni Sergio, ang kanyang dahilan sa pagsuko ay dahil sa natatanggap na banta at pangamba sa kanyang buhay.
Kasamang sumuko ni Sergio ang kinakasamang si Julis Lacanilao, kapwa sinampahan ng kasong illegal recruitment, estafa at human trafficking.
SOURCE NG DROGA TINUTUNTON NG NBI
NAGSIMULA nang kumilos ang National Bureau of Investigation (NBI) para matunton ang pinagmulan ng drogang dala ng drug convict na si Mary Jane Veloso sa Indonesia.
Alinsunod ito sa direktiba ni Justice Sec. Leila de Lima at sa panawagan na panagutin ang tunay na may kasalanan sa naturang drug smuggling case.
Una rito, sumuko kahapon sa Nueva Ecija PNP si Maria Kristina Sergio, ang recruiter ni Veloso.
Ngunit paglilinaw ng PNP, hindi pa maituturing na arestado si Sergio dahil wala pang warrant of arrest na nailalabas ang korte.
CEGP DESMAYADO KINA PINOY AT WIDODO
NAGPAHAYAG nang pagkadesmaya ang College Editors Guild of the Philippines (CEGP) sa pagbasura ng gobyerno ng Indonesia sa apela ng mga abogado ni Mary Jane Veloso upang dinggin muli ang kanyang kaso.
Kasama ang iba’t ibang progresibong grupo, nagmartsa ang mga tagasuporta ni Mary Jane patungong embahada ng Indonesya sa Makati.
“Ilang oras na lamang ang natitira sa buhay ni Mary Jane Veloso. Hindi pa magawa ni Pang. Noynoy Aquino na igiit kay Pang. Joko Widodo ng Indonesia na huwag nang ituloy ang hatol na kamatayan kahit magkasama naman sila sa ASEAN Summit sa Kuala Lumpur sa Malaysia. Habang binigyan ng dalawang araw na reprieve ang Pranses na kasama sa mga papatayin na si Serge Atlaoui dahil na rin sa banta ng France sa Indonesia, walang magawa si Aquino para kay Mary Jane. Hindi man lamang mariing iginiit ang kapakanan at buhay ng ating kababayang nasa bingit ng kamatayan,” pahayag ni Marc Lino Abila, pambansang pangulo ng CEGP.
Ayon kay Abila, habang nananawagan, hindi lamang ang mamamayang Filipino kundi pati ang mga mamamayang Indonesiano at iba pang mamamayan sa buong daigdig para sagipin ang buhay ni Mary Jane, nananatiling inutil aniya ang gobyerno ni Aquino habang nagbibingi-bingihan ang gobyerno ni Widodo.