ni JETHRO SINOCRUZ
TAMBALANG walang talo sina House Speaker Feliciano ‘Sonny’ Belmonte at Senator Grace Poe para sa darating na eleksiyon sa 2016.
Ito ang pananaw ng ilang grupo ng mga negosiyante, manggagawa sa pribadong sektor, kawani ng pamahalaan at iba pang grupo na tinawag nilang ‘Best Team’ dahil sa ipinamalas na kakaibang husay sa gobyerno.
Idiniin nilang kailangan na ang susunod na administrasyon ay parehong mayroong malinis na kredibilidad lalo sa isyu ng korupsiyon na numero unong importante sa taong bayan.
Lahat ng pinamunuan at pinamahalaan ni Belmonte mula sa Philippine Airlines (PAL), Government Service Insurance System (GSIS), Quezon City government at sa kasalukuyan, ang pagiging Speaker of the House of Representatives ay pawang matagumpay at ligtas sa korupsiyon.
Wala anilang pinamunuan at pinamahalaan si Belmonte na hindi nagtagumpay kaya maliwanag na siya ay mayaman sa karanasan sa pamumuno gayon din naman si Poe kahit na bagito pa lamang sa politika.
Ang husay at linis umano ni Belmonte ay kailangang may katuwang na bise-presidenteng mahusay at malinis din tulad ni Poe gaya nang ipinamalas niya bilang hepe ng MTRCB hanggang sa kasalukuyan bilang Senador.
Si Belmonte at Poe ay hindi kailanman nadawit sa usapin ng kontrobersiyal na isyu ng paggamit ng Priority Development Assistance Funds (PDAF) o Disbursement Acceleration Program (DAP).
Nang dahil dito, umaasa ang iba’t ibang samahan ng mga negosiyante, manggagawa, kawani ng pamahalaan na maisulong ang tambalang Belmonte-Poe bilang mga susunod na lider ng bansa.