Serbisyong Bayan ang dapat bansa!
hataw tabloid
April 28, 2015
Opinion
SANDALI na lang at 2016 halalan na, mahigit isang taon na lang kaya painit nang painit na ang babakantehing posisyon ni PNoy. Kaya, sino sa tingin ninyo ang susunod na pangulo ng bansa?
Maraming pangalan na ang lumutang kabilang na rito ang kilalang tatlong alkalde ng mga kilalang lungsod, siyempre ang labanan dito na pagbabasehan naman ng botante ang kanilang naging kontribusyon sa kani-kanilang lungsod na malaki ang naitulong naman sa ekonomiya ng bansa. Kaya kung pag-uusapan ang naging kontribusyon sa ekonomiya, maganda ang magiging labanan.
Si dating Quezon City Mayor at ngayo’y House Speaker Sonny Belmonte kung papalarin dahil sa hiling ng iba’t ibang sektor na lumahok sa halalan 2016 bilang susunod na Presidente, aba’y masasabing nakalalamang ang mama sa kontribusyon. Nasaksihan naman ninyo siguro kung paano niya “binuhay” ang QC at kung ano na ang lungsod ngayon.
Ano pa man, sa ngayon ay nanguguna sa listahan si dating Makati City Mayor, Bise Presidente Jejomar Binay habang sumusunod naman si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Kung pagiging City Mayor din lang ang magiging sukatan, aba’y malayong-malayo itong sina Binay at Duterte sa tinaguriang ‘Serbisyong Bayan’ ng Pinas na si Belmonte.
Sa Makati City ay hindi problema ang salapi roon dahil dati nang ‘Financial District’ ang lungsod kahit wala pa si Binay. Kakaunti rin ang kanilang populasyon kung ihahambing sa Quezon City.
Sa baluarte naman ni Duterte ay mas kilala siyang malupit sa mga kriminal kaya tahimik daw sa Davao City pero maliit lamang ang siyudad na ito kung ihahambing sa Quezon City.
Nang maupo si Belmonte bilang City Mayor ng Quezon City noong Hulyo 2001 ay lubog sa kumunoy ng utang pero makaraan lamang ang isang taon ay ito na ang pinakamayamang lungsod sa buong bansa.
Napanatili nito ang parangal habang ang City Mayor na si Belmonte hanggang matapos ang kanyang termino noong Hunyo 2010. Walang utang ang Quezon City. Pero ang Makati City ay mayroong utang!
Bagaman napakalaki ng lungsod gayon din ang kanyang populasyon ay napanatili ang katahimikan at kaayusan sa lugar sa panahon ni Belmonte. Hindi na kailangan pang maghasik ng takot.
Kaya kung pagiging Mayor din lang ang pagbabasehan, aba’y masasabing si Belmonte ay nakalalamang. Walang takutan na kailangan at wala rin kontrobersyal na parking building.