Wednesday , November 6 2024

Panatiko ng BBL

00 firing line robert roqueLUMALABAS na panatiko ang mga personalidad na nagsu-sulong na maapruba-han ang Bangsamoro Basic Law (BBL), na magbibigay ng kapangyarihan sa rebeldeng grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na kontrolin ang malawak na bahagi ng Mindanao.

Pati ang aktor na si Robin Padilla na nagpalit ng relihiyon at disipulo na ng Islam, ay parang sarado na ang isip nang batikusin ang mga kritiko ng iminumungkahing batas. Para sa kanya ay hindi makatuwiran na sabihing sumusuporta sa kapayapaan kung ang BBL ay tinatanggihan naman.

“Maraming nagsasabing ‘I am pro-peace but I am not for BBL.’ Para sa akin, hindi logical ‘yun. Dalawa lang ‘yan. Accept it or not. Kasi ‘pag ini-accept mo, peace ‘yun. ‘Pag hindi mo ini-accept, hindi magkakaroon ng peace,” pahayag ni Padilla, na nagsabi rin ayaw niyang matawag na pro-BBL o anti-BBL kundi “pro-peace.”

Noong una ay nagpahayag si Padilla na masakit sa kanya na suportahan ang BBL, dahil mangangahulugan ito ng pagbuwag sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na sinuportahan niya noong nasa pamumuno ito ni Nur Misuari, chair ng Moro National Libe-ration Front (MNLF). Pero alang-alang daw sa kapayapaan ay gusto niyang matuloy na ang BBL.

Balewala rin kay Padilla ang paggamit ni MILF chief peace negotiator Mohagher Iqbal ng alyas sa pagpirma sa kasunduan. Argumentong pang-elementary raw ito dahil si Iqbal ay rebelde. Ikinompara pa niya ito sa paggamit ng pambansang bayaning Jose Rizal ng alyas na Laong Laan.

Batid ni Padilla na ang MNLF ni Misuari ay pumasok din sa kasunduang pangkapayapaan sa administrasyon ni dating President Fidel Ramos kaya nabuo ang ARMM.

Maisip sana niya na may mga miyembrong hindi sang-ayon sa kasunduang ito na humiwalay kaya nabuo ang grupong MILF. Makalipas ang maraming taon ay humiwalay sa MILF ang ilang kasapi na bumuo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at mula rito ay nalikha ang humiwalay ring Justice For Islamic Movement (JIM).

Ganito ang takbo ng mga nasabing rebelde na kapag hindi nagustuhan ang mga kasunduan ay humihiwalay at bumubuo ng sariling samahan. Paano matitiyak nina Padilla na magkakaroon ng kapayapaan at hindi isisilang ang bagong grupo para kontrahin ito? Mananahimik lang ba ang ibang rebeldeng samahan na ngayon pa lang ay laban na sa BBL?

At kung halimbawang naaprubahan ang BBL, papayag kaya si Iqbal na buhayin ang anumang kaso na mayroon siya, at panagutan ito sa harap ng ating mga batas? Wala bang halaga kay Padilla ang buhay ng mga nasawi kung totoong sangkot sa multiple murder nang dahil sa pambobomba? 

Nauunawaan din kaya ni Padilla na ang BBL na kanyang sinusuportahan ay may santambak na mga kondisyon na sumasalungat sa ating Konstitusyon? Tama ba ang naising magkaroon ng sariling gobyerno at mga ahensiya nito?

Higit sa lahat, huwag sanang kaligtaan ni Padilla at ng lahat ng sumusuporta sa BBL na ang nasa likod nito ay ang MILF na napatuna-yang traydor sa ating gobyerno, nang imasaker nila ang 44 Special Action Force (SAF) commandos sa Mamasapanao, Maguindanao noong Enero 25.

Hindi rin nila kinikilala ang ating mga batas dahil hanggang ngayon, iginigiit ng MILF na hindi nila isusuko ang kanilang mga miyembro na dapat managot sa pagkakamasaker sa SAF 44. Ilang ulit nilang ipinakita na ang katapatan nila ay sa bansang Malaysia, at hindi sa Pilipinas. Binantaan pa nila ang ating gobyerno na magka-kagulo kapag hindi pumasa ang BBL.

Kaya mahirap unawain ang pananaw na kung para ka sa kapayapaan ay komporme ka sa BBL, kung ang mga nasa likod nito ay mga traydor na nabubuhay sa karahasan at gustong magkaroon ng sariling gobyerno.

Ginoong Padilla, lahat tayo ay naghahangad ng kapayapaan para sa buong bansa, lalo na sa mga magulong lugar sa Mindanao, at hindi lamang kayo. Pero alalahanin na ito ay maaari lang maisakatuparan sa ilalim ng iisang Konstitusyon at pamahalaan, sa grupong may katapatan at hindi katrayduran, at hindi sa pakikipaghiwalay sa bansa sa anumang paraan.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About hataw tabloid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Apela ng seniors: Booklet tanggalin

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BIHIRANG-BIHIRA, kung nangyayari man, na nagsusulat ako ng pansariling …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy, hindi binigo ni Buslig laban sa kriminalidad sa QC

AKSYON AGADni Almar Danguilan NANG umupo si P/Col. Melecio M. Buslig, Jr., bilang Director ng …

Sipat Mat Vicencio

Gabay ni Da King sa FPJ Panday Bayanihan Partylist

SIPATni Mat Vicencio NOONG nabubuhay pa si Fernando Poe, Jr., kaylan man ay hindi siya …

YANIG ni Bong Ramos

Walang kamatayang hearing sa House at Senate, meron bang nareresolba?

YANIGni Bong Ramos SUNOD-SUNOD at walang kamatayang hearing ang nagaganap sa Senate at House, ang …

QC-LGU, nakaiskor na naman – back-to-back pa

AKSYON AGADni Almar Danguilan WALA na yatang makatatalo o makadadaig sa Quezon City Local Government …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *