Pacman umapela kay Widodo (Para kay Mary Jane)
hataw tabloid
April 28, 2015
News
BILANG tugon sa hiling ng pamilya Veloso, personal na umapela si Manny Pacquiao kay Indonesia President Joko Widodo na iligtas sa parusang kamatayan ang Filipina drug convict na si Mary Jane Veloso.
“His Excellency, President Joko Widodo, I am Manny Pacquiao. On behalf of my countryman, Mary Jane Veloso and all of the the Filipino people, I am begging and knocking on your kind heart that your excellency will grant executive clemency to her by sparing her life and saving her life from execution. Mr. President, on May 2, I will be fighting in Las Vegas, Nevada against Mayweather which is considered the fight of the century. It will be a great morale booster if in my own little way, I can save a life. I am dedicating this fight to my country and the entire Asian people to which the Philippines and Indonesia belong. Thank you very much,” ayon kay Pacquiao.
Ang panawagan ni Pacquiao kay Widodo ay kasunod ng hiling ng ina ni Mary Jane na si Celia Veloso na sana’y tulungan sila ng Filipino ring icon na umapela sa pangulo ng Indonesia upang makaligtas sa bitay ang Filipina drug convict.
Nabatid na itinakda ngayong araw ang pagsalang kay Veloso sa firing squad.
Pamilya Veloso nagpasaklolo kay Manny Pacquiao
UMAPELA na rin ng tulong ang pamilya Veloso kay Manny Pacquiao para mailigtas sa bitay sa Mary Jane Veloso ngayong araw sa Indonesia.
Ginawa ni Celia Veloso, ina ni Mary Jane, ang panawagan, dahil sa paniniwala nilang may impluwensiya si Manny lalo na’t kilala rin ngayon si Pacman sa Indonesia.
Aniya, alam niya na abala ngayon si Pacquiao sa malaking laban sa kontra kay Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 3, ngunit humihingi siya ng ilang sandali ng kanyang oras na matulungan sila.
Habang ayon kay Maritess, kapatid ni Mary Jane, kahit man lang aniya isang minuto ay hinihiling nila na manawagan si Pacquiao dahil bilang isang kilalang personalidad at kilala sa buong mundo ay baka pakinggan ang boksingero.
Makadaraggdag aniya ang Filipino ring superstar sa mga panawagan na maisalba sa huling sandali ang buhay ng Filipina sa death row.
Kaso ni Veloso ikokonsulta sa Atty Gen. — Widodo
KUALA LUMPUR – Kakausapin ni Indonesian President Joko Widodo ang attorney general kaugnay sa legal issues sa kaso ng Filipina na si Mary Jane Veloso na nahatulang i-firing squad makaraan mahulihan ng droga sa Bali, Indonesia.
Ito ay makaraan ang pagpupulong nina Widodo at Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, umapela si Pangulong Aquino kay Widodo ng “humanitarian consideration”.
Nakisimpatya aniya si Widodo at kumokunsulta sa attorney general ng Indonesia kaugnay sa legal issues.
“President Aquino talked with Indonesian President Widodo earlier this morning and appealed for humanitarian consideration for Mary Jane Veloso, who was apparently duped into being an unwitting carrier of illegal drugs. He said President Widodo was sympathetic,” ani Coloma.
Nakatakdang mag-usap muli sina Pangulong Aquino at Widodo.
Tumagal lamang ng limang minuto ang unang pag-uusap ng dalawang lider.
Nabatid na binigyan na ng 72-hour notice si Veloso at mga kasamahan para sa kanilang execution na posibleng isagawa ngayong araw o sa Miyerkules.
30 solons manonood ng Pacman vs Mayweather Fight
INIHAYAG ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr., na aabot sa 30 kongresista ang nagpaalam para manood ng laban ni eight division world champion Manny Pacquiao at American undefeated boxer Floyd Mayweather Jr., sa Las Vegas, Nevada sa May 2.
Gayonman, hindi na pinangalanan ni Belmonte ang mga kongresista na manonood sa “fight of the century.”
Nilinaw niyang pupunta ang 30 mambabatas sa US gamit ang sariling pera.
Una nang sinabi ni Belmonte na ilan sa mga mambabatas ay desmayado nang manood ng laban dahil sa sobrang mahal ng ticket ng Pacquiao-Mayweather fight.
Habang ilan sa mga kongresista ang nagdesisyong mag-sponsor na lamang ng free live viewing sa sariling distrito para sa mga kababayan kaysa gumasta nang malaking halaga ng pera para manood sa US.
Samantala, ayon kay Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez, malapit na kaibigan ni Pacquiao, manonood siya ng laban sa US bilang suporta sa kapwa mambabatas.