ni James Ty III
BLOOMING pa rin ang tinaguriang Miss Body Beautiful ng Philippine showbiz na si Vivian Velez nang makausap siya ng ilang movie writers sa paglulunsad ng Regenestem Stem Cell Clinic sa isang hotel sa Quezon City kamakailan.
Ayon kay Vivian, matagal na siyang kliyente ng Regenestem kaya napanatili niya ang magandang mukha at katawan kahit hindi siya masyadong abala sa paggawa ng pelikula.
Katunayan, mas at home si Vivian sa paggawa ng mga indie movie tulad ng On the Job, bukod sa pagiging mainstay ng ilang teleseryes sa ABS-CBN tulad ng Imortal.
“Indie films are more edgy,” sabi ni Vivian sa amin. ”I also wish na makabalik ang dating time na local movies were more dominant than foreign movies. Noong time ko, 70 per cent ang mga local movies compared to 30 per cent. Pero now, mas angat ang mga Hollywood movies dahil naging madali ang pag-export. At isa pa, walang ginagawa ang mga artistang lawmakers upang umangat ang local movie industry.”
Sa ngayon, abala si Vivian sa kanyang mga negosyong may kinalaman sa paglipad ng eroplano ngunit hindi niya isinasantabi ang posibilidad na aarte pa rin siya paminsan-minsan.
Noong ginawa niya ang teleseryeng Imortal ay hanga si Vivian sa pag-arte ni Angel Locsin at sinabi niya na mas gusto niya ang akting ni Angel kaysa kay Marian Rivera na nagbida sa teleseryeng Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang na hango sa isang lumang pelikula ni Vivian.
“Sobrang pinahaba ang teleserye compared to the movie. May ilang mga character na hindi nangyari sa movie. At iba ang ending ng teleserye compared to the movie,” dagdag pa ni Vivian. ”Kung may planong i-remake ang mga movie ko rati, Angel would surely be a good fit.”