Appointment for sale at P6-K dagdag “tara” sa Bureau of Customs
hataw tabloid
April 27, 2015
Opinion
MARAMI ang nayanig nang ihayag ni John “Sunny” Sevilla ang kanyang pagbibitiw bilang hepe ng Bureau of Customs (BOC) nitong nakaraang linggo.
Ayaw raw ni Sevilla na maging bahagi siya ng maniobrahan at politika sa Aduana kaugnay ng 2016 elections.
Isa sa tinukoy ni Sevilla ang pambabraso sa kanya ng Palasyo at ng isang religious group para ipuwesto bilang director ng Enforcement and Security Services (ESS) ng Customs ang isang Atty. Teddy Raval, nakaupong hepe ng Intellectual Property Rights Division (IPRD).
Nasa ilalim ng ESS ang 400-man Customs Police na ang pangunahing tungkulin ay bantayan ang mga kargamento at paligid ng pantalan sa bansa.
Katuwiran ni Sevilla, wala raw muwang ni katiting sa police, military o intelligence background na kinakailangan para maipatupad ang anti-smuggling campaign ng BOC.
Sabi ni Sevilla, magdudulot ito ng demoralisasyon sa hanay ng mga kawani kung ipupuwesto si Raval.
Bagama’t hindi niya tinukoy kung sino, may mga nagbanggit raw kay Sevilla na isang religious group ang nasa likod na nagtutulak sa appointment ni Raval na binabraso naman ni Executive Secretary Paquito “Jojo” Ochoa, Jr.
Noon pa raw nakaraang Marso ay pursigido na si Ochoa na maipuwesto si Raval sa ESS pero sinuway siya nina Sevilla at Deputy Commissioner Jesse Dellosa.
Para que pa nga namang may tanggapang tulad ng IPRD sa Customs na pinamumunuan ni Raval kung nagkalat rin naman ang mga pekeng produkto sa merkado na made in China?
Si Raval ay itinuturing na ‘markado’ sa BOC, kumbaga, ultimo tagabantay ng kotse ay kilalang sabit siya sa talamak na katiwalian sa Customs.
May intelligence report na pinulong umano ni Raval ang mga player cum smugglers kamakailan sa UCC coffee shop sa Tomas Morato, Quezon City, na malimit din tambayan ng ilang kilalang mataas na opisyal ng isang malaking religious group.
Sa nasabing miting, tinokahan daw ni Raval ang mga player cum smuggler na maghatag ng karagdagang P6,000 sa “TARA” kada container para makalikom ng pondo sa mga kandidato ng administrasyon sa 2016 elections.
Bago kay Raval, kumalat ang balita na isang opisyal din na malapit sa rice smuggler ang naluklok sa Customs kapalit ng halagang P200-M.
Kasabay nito, naglaho ang kaso laban kay David Tan aka Davidson Bangayan, ang suspected bigtime rice cartel at smuggler na inimbestigahan ng Senado.
Tama ba, Chiz Escudero?
Kalusin na si Ochoa
KUNG sinasabi na si Ochoa ang padrino ni Raval na nangingikil ng pondo para sa halalan, posible pala na hindi imbento ang balitang maging si pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles ay hinuthutan ni Paquito ng campaign funds para kay PNoy noong 2010 elections, tsk, tsk, tsk!
Wala palang naging epekto kay Ochoa ang “near-death experience” niya at ilang opisyal ng gobyerno nang maaksidente ang private jet na sinasakyan nila sa Tacloban City Airport nang magmisa sa mga biktima ng Yolanda si Pope Francis.
Buong akala natin, ang naturang insidente ay magsisilbing hudyat para magising na sa katotohanan si Ochoa na kaya siya nasa Palasyo ay para sa serbisyo-publiko at hindi magpayaman sa puwesto.
Tila hindi pa siya kontento sa mga eskandalong kinasangkutan sa gobyerno gaya nang pagmamay-ari ng P40-M glass mansion sa White Plains, Quezon City.
Iniutos din ng Ombudsman ang pagsibak kay professionall Regulation Commission (PRC) chair Teresita Manzala dahil sa pagpasok sa maanomalyang kasunduan sa New San Jose Builders na ang may-ari ay bayaw ni Ochoa na si Jerry Acuzar.
Isinangkot din ang kompanya ni Acuzar sa maanomalyang kontrata na pinasok sa Philippine Forest Corporation (Philforest) bilang administrador ng 2,000 ektarya na Busuanga Pasture Reserve sa Palawan noong administrasyong Arroyo na nilagdaan tatlong araw bagong ang 2010 elections.
Pero sa halip na kanselahin ni PNoy gaya nang ginawa niya sa ibang midnight deals ni GMA ay binuwag niya ang mismong Philforest dahil isa raw ito sa mga ahensiya ng gobyernong ginamit sa pork barrel scam.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])