Agri Sec. Alcala idinepensa ng Palasyo
hataw tabloid
April 24, 2015
News
NAGING tagapagsalita ni Agriculture Secretary Proceso Alcala ang Palasyo nang ipagtanggol siya sa Commission on Audit (COA) report na nagsasabing P14.2 bilyong pondo ang nalustay ng Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Sinabi kahapon ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., tatlo ang pinagmulan ng sinasabing nilaspag na P14.2 bilyong pondo ng DA: ang kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP), ang maanomalyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), at ang Agricultural Competitiveness Enhancement Fund (ACEF).
Minamadali na aniya ang mga proyektong pinondohan ng DAP na ipinatutupad ng regional offices nito, mga lokal na pamahalaan at ng Department of Publci Works and Highways (DPWH).
Hindi umano ipinatupad ang PDAF-funded projects dahil ipinatigil ng DA ang paglalabas ng pork barrel funds noong 2013, bago pa man ideklarang unconstitutional ang PDAF ng Korte Suprema, habang ang ACEF projects ay sinuspinde noon pang 2010 dahil sa mahinang koleksyon.
Sa CoA report, kabilang sa mga iregularidad ng DA ang pagpapalabas ng pondo na ginamit sa mga proyekto sa ilalim ng non-government organization (NGOs) ni Janet Lim-Napoles na itinuturong utak sa P10-billion pork barrel scam. Ang pinakamalaking halaga raw ay inilaan sa konstruksi-yon ng 1,079.2 kilometers road networks sa ilalim ng Farm-to-Market Road Development Project (FMRDP). Tinatayang aabot sa P7.8 bilyon ang napunta sa infrastructure project noong 2013 ngunit aabot lamang sa 270.4 km ang nakompletong kalsada na nagkakahalaga ng P1.7 bilyon.
Rose Novenario