Anomang modus hindi ubra sa QCPD
hataw tabloid
April 23, 2015
Opinion
MASYADO yatang iniismol ng mga sindikato ang kakayahan ng Quezon City Police District (QCPD) hinggil sa kampanya nitong laban sa iba’t ibang sindikato. Lamang, mali ang kanilang pang-iismol sa direktiba ni Chief Supt. Joel D. Pagdilao, QCPD Director, laban sa mga masasamang loob na pumapasok sa lungsod para maghasik ng kasamaan. Bakit naman mali ang mga sindikato?
Aba’y masasabi sigurong tahimik ang QCPD pero, ‘wag ka. Alisto ang mga operatiba ni Pagdilao sa pagsugpo ng sindikato. Kunsabagay, hindi naman siguro magiging awardee sa loob ng anim na taon ang QCPD kung hindi masisipag ang mga pulis dito lalo na ang mga umupong direktor hanggang sa nakaupong direktor ngayon – si Gen. Pagdilao.
Kamakalawa, muling napatunayan ang pagkaalisto ng QCPD sa pagresponde sa mga nagaganap na krimen sa lungsod. Ano lang naman, masasabing malaking sindikato ng hijacking ang nabuwag ng QCPD – ang Galas Police Station 11.
Ang sindikato ay pinatatakbo ng mga nagpapakilalang pulis – hindi lang literal na nagpapakilala silang pulis sa tuwing kumakana ang grupo kundi nakasuot pa rin ng uniporme ng pulis. Yes, siyempre armado pa ang mga hunghang.
Pero hindi sila umubra sa kampanya ni Pagdilao laban sa mga sindikato na kumikilos sa lungsod, buong Metro Manila at karatig lalawigan.
Hindi umubra ang modus ng grupo makaraang mabuwag ng estasyon ng pulisya ng Galas nang maaresto ang hinihinalang dalawang kilalang lider ng sindikato.
Heto ang modus ng sindikato na hindi umubra sa QCPD. Kamakalawa, habang binabagtas ng isang ten wheeler na puno ng tone-toneladang sabon, ang Araneta Avenue, QC, hinarang ng limang lalaking sakay ng kotse at SUV ang truck. Pinababa ng mga bandido ang driver, may-ari ng truck at pahinante ng truck. Sumunod naman ang mga biktima sa pag-aakalang mga pulis ang humarang sa kanila dahil pawang nakasuot ng “Type B” PNP uniform ang mga lalaki o suspek.
Pero pagkababa ng mga biktima sa truck, agad silang tinutukan ng baril at pilit na pinasasakay sa isang SUV habang dalawa sa suspek ang sumakay sa truck at pinatakbo ang ten wheeler.
Habang pilit namang pinasasakay ang mga biktima sa SUV, nagawang makatakas ng dalawa sa biktima na nakahingi ng tulong sa nagpapatrolyang pulis ng Galas.
Makaraan, mabilis namang nagresponde ang mga operatiba at hinabol ang truck na nakorner sa Sampaloc, Manila. Naaresto ang isa sa mga suspek habang sa isinagawang follow-up operation ay nadakip ang isa pa.
Ang dalawang suspek ay nakumpiskahan ng kalibre .45. at .30 na may lamang mga bala. Kaya ang dalawa na pinaniniwalaang lider ng sindikato ay nakakulong na ngayon at nakatakdang kasuhan. Ayos.
Iyan ang sinasabi natin, ‘wag masyadong maliitin ang most awarded police district ng buong National Capital Region kapag giyera laban sa kriminalidad ang pag-uusapan. Ang akala’y tahimik na kampanya laban sa kriminalidad ay isang malaking pagkakamali ng mga sindikato.
Kaya kayong mga masasamang loob, bago kayo maghasik sa QC, mag-isip-isip muna kayo dahil anomang klaseng modus ang gawin niyo, hindi ‘yan uubra kay Gen. Pagdilao o sa buong QCPD.
Gen. Pagdilao at sa Galas Police Station 11, congrats!