INILABAS na ng Appeals Panel ang desisyon nito kasunod ang pagtatapos ng kaso sa arbitration ng Manila Water laban sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) kaugnay sa inihaing dispute notice ng kompanya noong Setyember 2013.
Matatandaan na ang arbitration ay bunsod ng desisyon ng MWSS na ibaba ang kasalukuyang basic charge ng Manila Water nang 29.47% o Php 7.24 kada cubic meter para sa rate rebasing period mula 2013 hanggang 2017.
Napagdesisyonan ng Appeals Panel na bawasan ng 11.05% ang kasalukuyang Php 25.07 na basic charge, katumbas ng average na Php 2.77 na bawas per cubic meter.
Ipatutupad ang bawas na ito sa sumusunod na paraan: negative Php 1.66 per cubic meter sa 2015, negative Php 0.55 per cubic meter sa 2016, at negative Php 0.55 per cubic meter sa 2017.
Bukod dito, magkakaroon naman ng 4.19% adjustment sa Consumer Price Inedx (CPI), katumbas ng karagdagang Php 1.08 per cubic meter sa kabuuan ng 2015.
Ang taon-taong CPI adjustment ay patuloy na ipatutupad, alinsunod sa Concession Agreement ng kumpanya sa MWSS.
Itinuturing naman ng Manila Water na lubhang nakababahala ang pasya ng Appeals Panel na ang konsesyonaryo ng East Zone ay isang public utility, na nangangahulugang hindi maaaring isama ang corporate income tax sa pagtatalaga ng taripa. “Habang nabigyang-tugon ng arbitration ang ilang mahahalagang isyung nais maresolba ng Manila Water, nababahala naman kami sa pagtatalaga ng kompanya bilang isang public utility,” ani Manila Water President at CEO Gerardo C. Ablaza, Jr.
“Malaki ang pagkakaiba nito sa orihinal na paglalarawan ng gobyerno nang binuksan nito sa bidding ng pribadong sector ang operasyon ng MWSS noong 1997 – na ang Manila Water ay magsisilbing “agent” at “contractor” ng MWSS, at mananatiling public utility. Ang naging pasya ng panel, higit sa lahat, nagbabago sa Concession Agreement.
“Masusi naming pag-aaralan ang magiging implikasyon sa pagtuturing sa kompanya bilang public utility. Sa kabila ng pagbabagong ito, patuloy pa rin kaming makikipagtulungan sa pamahalaan upang makapaghatid nang mahusay at tuloy-tuloy na serbisyo sa aming mga customer sa East Zone.”
(JETH SINOCRUZ)