CAGAYAN DE ORO CITY – Umakyat na sa walo katao ang namatay sa pananambang ng armadong kalalakihan sa bayan ng Lumbaca Unayan, Lanao del Sur kamakalawa.
Ito ay nang pumanaw ang 10-anyos biktima na si Norjana Amenor dahil sa tama ng bala sa ulo at katawan, habang ginagamot sa Northern Mindanao Medical Center.
Nasa malubha ring kalagayan ng isa pang biktima na si Jamel Amir, kasalukuyang naka-confine sa pagamutan sa lungsod.
Una rito, agad binawian ng buhay sa insidente ang mga biktimang Nasrodin Laurel, Punda Alaman, Amera Amer, Nasoring Piang, Punda Buat at Saripa Camama at isa pang hindi nakilalang biktima.
Naniniwala ang mga awtoridad na rido ang pangunahing dahilan sa naganap na krimen.
Isang malawakang manhunt operation ang inilunsad ng pulisya laban sa armadong grupo ni Aragasi Bationg Ali, mabilis na tumakas makaraan ang pananambang.
Bukod sa walong napatay, 11 pa ang sugatan na naka-confine sa magkakaibang pagamuta sa Iligan City at Cagayan de Oro City.
Napag-alaman, nanggaling sa lungsod ng Marawi ang mga biktima sakay ng isang truck nang sila’y tambangan pagdating sa bayan ng Lumbaca Unayan.