Sigalot sa West PH sea muling idudulog ni PNoy sa ASEAN
hataw tabloid
April 20, 2015
News
MULING aapela ng tulong si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kaugnay ng patuloy na agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Panawagan ni Aquino sa nalalapit na ASEAN Summit sa Malaysia, bumuo ng susunding Code of Conduct sa nasabing sigalot.
Ito’y sa harap nang walang patid na reclamation projects ng China sa Kagitingan Reef at pitong iba pang lugar sa nasabing karagatan.
“Siyempre dapat mabahala tayo sa nangyayaring reclamation ngayon… dati, sinabihan tayo na mayroon silang mga patakaran lalo na sa fishing, na hindi lang nila ini-enforce. ‘Pag ini-enforce na nila, parang kailangan humingi na tayo ng permiso para mangisda sa ating exclusive economic zone,” sabi ng Pangulo.
Giit ni Aquino, ang naturang isyu ay problema ng buong mundo dahil 40% ng global trade ay dumaraan sa West Philippine Sea.
Nauna nang pinuna ni United States President Barack Obama ang aniya’y ‘pambu-bully’ ng China sa Filipinas at iba pang maliliit na bansang sangkot sa naturang sigalot.
Senior US off’l nakipagpulong sa DFA (Kaugnay sa sigalot sa China)
NAKIPAGPULONG ang isang senior US official kay Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at napag-usapan ng dalawang opisyal ang pagiging agresibo ng China at sa nagpapatuloy na reclamation activities nito sa Mischief Reef sa West Philippine Sea.
Ayon kay Department of State’s Bureau of East Asian Pacific Affairs, Principal Deputy Assistant Secretary Scot Marciel, nagkaroon sila ng broad discussion ni Secretary Del Rosario partikular sa regional issues kabilang ang reclamation activities ng China at lalong- lalo na ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng US at Filipinas.
Nasa bansa si Marciel para sa tatlong araw na pagbisita sa Asya kabilang na ang Filipinas.
“I reiterated the concerns that we have made public about certain actions that we think undermine the overall positive environment in the region,” pahayag ni Marciel kaugnay sa nagpapatuloy na reclamation activities ng China.
Una nang nabatid na isang airstrip ang kino-construct ng China sa Mischief Reef.
Umaasa si Marciel na lahat ng claimant nations sa South China Sea kabilang ang Filipinas, China, Taiwan, Malaysia, Vietnam at Brunei, ay iiwasan ang paggawa ng ano mang provocative actions.
Naniniwala ang nasabing senior US official na marami pa ang dapat gawin sa pagtugon ng nasabing problema.
“We exchange ideas on how best to create that pattern of behavior among all the claimant states that will reduce tensions,” ayon kay Marciel.