BUBUSISIIN na rin ng Senado ang food posining mula sa milk tea na ikinamatay ng dalawa katao sa lungsod ng Maynila.
Inihain ni Sen. Koko Pimentel ang Senate Resolution No. 1273 para imbestigahan ang nangyayaring food poisoning sa bansa.
Ayon kay Pimentel, naka-aalarma ang serye ng food poisoning lalo’t mayroon nang namatay.
Bukod sa Maynila, tinukoy rin ni Pimentel ang food poisoning sa Tampakan, South Cotabato na 130 katao ang nabiktima makaraan kumain sa inihandang pagkain sa community meeting noong Hunyo 2014 at 11 South Korean ang isinugod sa ospital sa Iloilo dahil sa food poisoning noong Oktubre 2013.
Bukod pa ito sa 66 katao na na-ospital dahil din sa milk tea poisoning sa Iloilo noong Setyembre 2013.
Iginiit ni Pimentel na dapat maging masigasig at mahigpit ang LGUs, DoH, at Food and Drug Administration (FDA) sa mga pagsisiyasat sa bawat tindahan ng pagkain upang maiwasan ang food poisoning.
(CYNTHIA MARTIN)
NAGBEBENTA NG MILK TEA ININSPEKSIYON
ININSPEKSIYON ng Manila Health Department (MHD) ang mga nagtitinda ng mga sangkap sa paggawa ng milk tea sa mga bangketa sa Divisoria, Maynila.
Kasunod ito ng pagkamatay ng dalawa katao noong nakaraang linggo dahil sa nainom na Hokaido flavor milk tea sa Ergo Cha tea house Bustillos Street, Sampaloc, Maynila.
Ayon kay MHD Chief Benjamin Yson, kabilang sa kanilang tinitingnan ay kung rehistrado ang mga produkto at kung nakatala ang manufacturer ng mga ito.
Mula sa mga mall hanggang sa mga bangketa ay sinuri ng mga opisyal ang mga panindang may kaugnayan sa ibinibentang inomin.
Ang mga walang sapat na dokumento ukol sa kanilang paninda ay binigyan ng limang araw para magpakita ng kinakailangang papeles.