ARESTADO sa pulisya ang isang 54-anyos negosyanteng babae na wanted sa serye ng kasong estafa, kamakalawa ng hapon sa Alabang Town Center sa Muntinlupa City.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Ruby Calub, alyas Ruby Epifania Calub, tubong Mindoro Oriental, at nakatira sa Block 4, Lot 6, Rd. 3, Theresa Subd., Brgy. Pilar, Las Piñas City.
Naaresto si Calub dakong 4:15 p.m. habang nasa loob ng McDonald ng mga operatiba ng pulisya sa pamumuno ni Chief Insp. Giovanni Martinez, ng Task Force Tugis na nababase sa Camp Crame, Quezon City.
Nabatid na si Calub ay may warrant of arrest sa kasong estafa na inisyu ni Hon. Presiding Judge Alberto Lerma, ng Muntinlupa City Regional Trial Court, Branch 256, noon pang Hunyo 1, 2000 at walang inirekomendang piyansa sa kanya.
Dalawang kaso ng estafa through falsification of public documents ang nakasaad sa warrant of arrest laban sa akusadong si Calub, na inisyu ni Hon. Presiding Judge Angelo Arizala, ng Puero Princesa City Regional Trial Court, Branch 52.
Bukod dito, may warrant of arrest din si Calub sa pitong counts kaugnay sa paglabag sa BP 22, na inisyu ni Hon. Judge Mariano Singson Jr. ng Metropolitan Trial Court, Branch 31, Quezon City.
Napag-alaman kay Chief Insp. Martinez, ang modus operandi ni Calub ay ang mag-enganyo ng mga taong nais kumita ng pera sa paglalagak nila ng puhunan sa negosyo ng suspek ngunit sila ay pawang naloko.
Nakapiit na si Calub sa detention cell ng Muntinlupa Police.
(MANNY ALCALA)