KILALA ang ABS-CBN sa paghahatid ng mga teleseryeng kapupulutan ng magandang aral. Teleseryeng sumasalamin sa mga tunay na pangyayari sa isang pamilya gayundin sa pamayananan. Kaya naman nakatutuwang muling magbibigay ng ganitong uri ng panoorin ang Kapamilya Network sa pamamagitan ng Dreamscape Entertainment, ang Nathaniel.
Ang Nathaniel ang magiging daan para magpa-alala sa TV viewers ng likas na kabutihan ng bawat isa. Ito’y pagbibidahan nina Gerald Anderon, Shaina Magdayao, at ang pinakabagong child actor na si Marco Masa. Mapapanood na ito sa Lunes (Abril 20).
“Tiyak na gagaan ang loob ng mga manonood sa kuwento ng ‘Nathaniel,’ lalo na sa panahon ngayon kung kailan maraming pinagdaraanang pagsubok ang mga Filipino,” ani Gerald.
“Swak na swak para sa buong pamilya ang kuwento ng ‘Nathaniel’ dahil sa mga aral at inspirasyon na maibibigay nito hindi lang para sa mga kabataan, kundi para sa lahat ng tao,” ani Shaina.
Ang Nathaniel (Marco) ay ukol sa isang anghel na may misyong bumaba sa lupa para ibalik ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos at ipaalala ang likas na kabutihan ng puso ng bawat isa.
Subaybayan kung paano magbabago ang pananaw ni Nathaniel sa mga tao sa oras na maranasan niya ang hirap, sakit, at kasamaan sa mundo. At kung ano ang gagawin niya upang mapatatag ang pananalig at paniniwala ng lahat sa Diyos.
Bahagi rin ng powerhouse cast ng Nathaniel sina Pokwang, Isabelle Daza, Benjie Paras, Jayson Gainza, Ogie Diaz, Sharlene San Pedro, Jairus Aquino, Yesha Camile, David Chua, Young JV, Fourth at Fifth Pagotan, at Coney Reyes. Ito ay mula sa direksiyon nina Darnel Joy Villaflor at Francis Pasion.
ni Maricris Valdez Nicasio