WALA pa ring katiyakan na hindi na magkakaroon pa ng krisis sa koryente ang Filipinas sakaling maaprubahan ang operasyon ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).
Ito ang naging pag-amin ni Department of Energy (DOE) Secretary Jericho Petilla makaraan ang pagbisita sa lalawigan ng Pangasinan.
Paliwanag ng kalihim, batay sa kanyang computations, aabot lamang sa 30 sentimos ang ibababa sa singil ng koryente at hindi ito 100 porsyentong makatutulong sa publiko.
Dagdag niya, sakaling maaprubahan ang operasyon ng planta ay hindi dapat iisang grid lamang ang gagawin kundi kailangang lima para sa posibilidad na mapababa pa ang singil sa koryente.
Nabatid na patuloy pa rin ang debate sa isyu ng pag-apruba sa operasyon ng kontrobersiyal na BNPP na hindi natuloy nang itayo noong panahon ng administrasyong Marcos.