ni Pilar Mateo
ON fire!
Mapagmahal na asawa at ama na labis ang dedikasyon sa kanyang bokasyong makapaglingkod sa kapwa ang role na gagampanan ng award-winning actor na si JM de Guzman sa family drama episode ng MMK (Maalaala Mo Kaya) ng ABS-CBN ngayong Sabado (Abril 18).
Bibigyang-buhay ni JM ang karakter ni Paul, isang bumbero na sa labis na pagmamahal sa trabaho ay naisasakripisyo na ang buong panahon sa pamilya. Anong pangyayari ang magmumulat kay Paul sa kahalagahan ng balanseng buhay sa trabaho at pamilya? Hanggang saan ang kaya niyang gawin sa ngalan ng kanyang sinumpaang tungkulin?
Bahagi rin ng episode sina Michelle Madrigal, Nonie Buencamino, Ana Capri, Faye Alhambra, Elaine Quemuel, Lorenzo Mara, at Angelo Ilagan. Ang episode ay sa ilalim ng direksiyon ni Mae Cruz-Alviar at panulat ni Joan Habana. Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos.
Sa loob ng 23 taon, bahagi na ng bawat pamilyang Filipino saan man sa mundo ang Maalaala Mo Kaya na bawat Sabado ay nagpapaluha, nagpapangiti, at nagbibigay-inspirasyon sa TV viewers sa pamamagitan ng mga totoong kuwentong buhay na ibinabahagi ng letter-senders ng programa.