http://www.ifj.org/nc/news-single-view/backpid/1/article/second-filipino-journalist-arrested-in-libel-case-in-as-many-weeks/
NAGPAHAYAG ng pangamba ang international media group kaugnay sa isa pang pag-aresto sa isang Philippine journalist dahil sa kasong libel.
Labis na naalarma ang International Federation of Journalists (IFJ) kaugnay sa pag-aresto kay Elmer James Bandol habang patungo siya sa kanyang trabaho nitong Miyerkoles ng umaga.
Sinabi ng IFJ, ito ang pangalawang pag-aresto sa journalist sa loob lamang ng buwan na ito dahil sa libel.
Nitong nakaraang Abril 5, inaresto ng mga pulis ang dating presidente ng National Press Club (NPC) na si Jerry Yap sa Ninoy Aquino International Airport nang dumating siya mula sa Japan.
“Libel cases are all too-often becoming tools to silence and intimidate the press. These recent events call into question the motivations behind these arrests at this time while the behavior of the Philippine National Police (PNP) in the case of Jerry Yap was contrary to established practice in such cases,” pahayag ng IFJ Asia-Pacific.
Si Bandol, 59, ay naaresto nitong Miyerkoles ng umaga habang paalis ng kanyang bahay patungo sa kanyang trabaho.
Siya ay nagpapadala ng mga ulat sa mga lokal na pahayagan sa Bicol.
Ang pag-aresto ay nag-ugat sa libel case na isinampa noong Hulyo 2012 laban sa kanya ni Masbate Electric Cooperative (MASELCO) official Eduardo Margallo.
Ito ay kaugnay sa isinulat ni Bandol tungkol sa pagkalugi na nagaganap sa MASELCO, at nailathala sa BicolToday.com.
Sinabi ng IFJ, ayon sa kanilang affiliate, ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), si Bandol ay sinampahan ng maraming kasong libelo sa nakaraang mga taon, ngunit lahat ito ibinasura ng korte.