SINUSPINDE ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 15 bus ng DLTB kaugnay ng aksidente sa Eastern Samar.
Matatandaan, lima ang namatay habang walo ang nasugatan sa banggaan ng isang DLTB bus at isang pampasaherong van sa Quinapondan.
Giit ng LTFRB, out-of-line o kolorum ang naaksidenteng bus dahil San Pablo City, Laguna-Pasay City lang ang awtorisadong ruta nito.
Pinatawan ng 30-araw preventive suspension ang buong prangkisa ng naturang bus na may 15 units.
Sinabi ni LTFRB Chairperson Winston Ginez, pinagpapaliwanag nila ang pamunuan ng DLTB kung bakit hindi dapat mapatawan ng P1 milyong multa at tuluyang kanselasyon ng prangkisa.
Tatlong araw ang ibinigay sa kompanya para magpaliwanag at ipinasusuko sa Lunes ang mga plaka ng sinuspindeng bus.
Isasailalim sa road safety seminar at voluntary drug test ang mga driver ng DLTB habang pinadadalo ang kinatawan nito sa unang pagdinig sa Abril 22.
Samantala, dumoble ang dagok ng pamunuan ng DLTB dahil nagpiket ang ilang empleyado, driver at kundoktor nito.
Nasa 40 ang sinasabing tinanggal sa trabaho ng management habang ang iba’y hindi pinahintulutang bumiyahe makaraan pumabor sa pagtatayo ng unyon. Inirereklamo rin nila ang sweldong mas mababa sa minimum wage.
HATAW News Team