Zambales Festival ni Ebdane dinayo
hataw tabloid
April 17, 2015
News
UMARANGKADA at dinumog ng mga turista ang pagsisimula ng “Dinamulag Festival 2015” na pinangunahan ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane, Jr., sa Iba, Zambales bilang pagtatampok sa kanilang ipinagmamalaking bunga na kinilala ng Guinness World Record bilang “pinakamatamis na mangga sa buong mundo.”
Naggagandahang mga mananayaw, may hawak na tray na naglalaman ng mga mangga ang bumungad at nagsibati sa lahat ng mga turista at bisitang nagsidayo sa pagsisimula ng Dinamulag Festival 2015 nitong nakaraang Miyerkoles na idinaos ang mga musika, sayawan, sports at cultural presentations.
Naging tampok sa parada ang mga mananayaw na naka-mango-inspired costumes, giant parade floats, inter-faith prayers, pinaka-LGU showcase, cultural show, marching band exhibition, arangkadahan sa mango festival, motocross challenge, trade fair and exhibit, Aeta cultural showcase at ang Bb. Zambales 2015 search.
Ang iba pang mga aktibidad ay kabibilangan ng mga Mt. Bike challenge, tangoy-tangoy challenge, skydiving exhibition, street dancing competition, gabi ng talentong Zambaleno, Mt. Tapulao ultra marathon, Dinamulag invitational swimming competition, 4×4 off road challenge, araw ng mga katutubong Zambaleño, Bayliwan dance revolution, tri-plus competition (swim, bike, run plus kayak), open water swim, aquathlon (swim and run), Philippine Merchant Marine Academy observation tour, parade-in-review, silent drill exhibition, open house and mango picking and tour.
Ang Dinamulag festival ay apat-na-araw na selebrasyon habang ang mga turista ay namamasyal sa naggagandang beach at isla ng Zambales.
Magtatapos ang programa sa Bb. Zambales 2015 grand pageant night.
Inihayag ni Gov. Ebdane ang festival ay bilang pagpapasalamat sa masaganang ani ng kanilang lalawigan sa pinakamatamis na mangga sa buong mundo na nagmula sa bayan ng Sta. Cruz.
“Ang mango production ang pangunahing industriya dito sa Zambales na kinilala sa buong mundo bilang sweetest and loved mangoes,” pahayag ni Ebdane.
Noong taon 1995 ay kinilala ng Guinness World Record ang mangga ng Zambales bilang world’s sweetest mangoes.
Noong taon 2013 ay inihayag naman ng Department of Agriculture (DA) na ang mangga ng Zambales ay nananatiling sweetest variety sa ating bansa.
Ipinunto ni Ebdane na “Zambales has the best-tasting fresh mangoes in the world and it is our pride to share it to the world.”