Purgahin ang Judiciary; SALN ng 2 CA Justice dapat ilabas, ipabusisi
hataw tabloid
April 17, 2015
Opinion
DAPAT suportahan ng publiko ang pagbubulgar ni Sen. Antonio Trillanes na tumanggap ng milyun-milyong piso ang dalawang mahistrado ng Court of Appeals (CA) kapalit ng pagpigil sa preventive suspension order ng Ombudsman laban kay Makati City Mayor Junjun Binay.
Panahon pa ni Kopong-Kopong o matagal nang usap-usapan ang katiwalian sa hudikatura pero ngayon lang may naglakas ng loob na isiwalat ito.
Pero ang reaksiyon ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa isyu ay iisipin na para bang kahapon lang siya ipinanganak sa mundong ibabaw.
Imbes na paimbestigahan, ang sabi ni Sereno, kailangan daw may ebidensiya na nagkaroon ng suhulan bago nila imbestigahan.
Bakit pa sila naging mahistrado kung ipapakita pala nila sa madla na tumatanggap sila ng suhol, hahaha!
Hindi ba ang dapat gawin sa 2 mahistrado ng Court of Appeals na inakusahan ay pabuksan ang statement of assets, liabilities and networth (SALN) nila, gaya kay dating Chief Justice Renato Corona?
Wasto rin na imbestigahan ito ng Senado upang makalikha sila ng batas na puputol sa bisyo ng mga opisyal ng pamahalaan na makipagsabwatan sa mga tiwaling hukom at mahistrado para ikubli ang kanilang korapsiyon at manatili sa puwesto.
Kung may mga testigo at ebidensiya na haharap sa gagawing imbestigasyon ng Senado, dapat itong ikatuwa dahil magsisilbing mitsa ito para purgahin ang hudikatura para umiral ang rule of law at tunay na katarungan sa bansa.
Ang mga tumututol lang na matalupan ang mga buhong sa hudikatura ay ang mga tiwaling ayaw mapanagot sa kanilang pagsasamantala sa kapangyarihan at panggagahasa sa kaban ng bayan.
Kahit itanong n’yo pa sa pamilya Binay!
Pag-atado sa proyekto, iskema ng korupsiyon
SA ilang buwan na pag-iimbestiga ng Senado sa korupsiyon sa Makati City, naging matingkad na kaya naganap o nangyayari ito’y bunsod nang iskema nang pag-atado sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Ibig sabihin, hinahati sa ilang yugto ang implementasyon sa proyekto upang ang paglalaan ng pondo ay ilang beses maganap.
Ang pangunahing layunin ng modus operandi na ito’y pagkakitaan ang proyekto ng ilang beses.
Kaya ang sino man na bumabatikos o nais ipatigil ito ay may motibo na huwag makapag-akda ng batas ang mga senador para matuldukan ang iskemang ito para hindi matapos ang kanilang pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Maralita sa Makati, umalma na
MANHID na lang ang hindi magagalit sa ibinulgar ng mga maralitang taga-Makati City ang kalunus-lunos na kalagayan nila sa resettlement area sa Laguna na pinagtapunan sa kanila ng administrasyong Binay.
Ito’y sa kabila na ginamit ang kanilang abang kalagayan para bilhin ng Makati City government ang isang gusali sa lungsod para maging pabahay sana sa kanila.
Ginawa kasing hotel ng mga Binay ang gusali sa halip na maging bahay nila.
Ang pagpapaayos sa gusali ay inatado rin kaya nabunyag na overpriced din ito gaya ng City Hall Building II at Makati Science High School.
Kaya nagtataka tayo kung bakit pagdating sa anomalya ng mga Binay ay tahimik ang dating maiingay na grupo na bumabatikos sa korupsiyon sa gobyerno.
Gusto pa nga ng maiingay na pangkat ay magbitiw pa si PNoy para maluklok ng mas maaga sa Palasyo si Binay.
Kaya siguro kakaunti na lang ang sumasama sa kanilang mga rally, nabuko na kasi na pinagkakakuwartahan na lang sila ng mga lider na nagpapanggap para sa pagbabago.
Gregorio Perfecto High Batch ’65 Grand Reunion
MAGDARAOS ng Grand Reunion ang Batch ’65 ng Gregorio Perfecto High School sa Mayo 17, 2015, Manila Hotel, na sisimulan ganap na alas-5:00 ng hapon.
Para sa karagdagang detalye, makipag-ugnayan sa organizers na sina Rosalinda Pacis, Carmelita Olazo at Anita Alcoreza.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])