MULING iginiit ni Korina Sanchez na hindi siya tinanggal ng ABS-CBN kung kaya’t hindi siya napapanood sa TV Patrol kundi sa show niya lamang na Rated K. Naka-leave si Korina para bigyang daan ang pagma-masteral niya in Journalism sa Ateneo de Manila University at London School of Economics.
Itinanggi rin niyang lilipat siya sa TV5. Marami ang nag-akalang lilipat ito saKapatid Network dahil sa sinabing, ”Mabuti pa sa 5, lumalabas ako.” Napanood kasi si Korina sa Showbiz Konek na Konek kaya naman marami ang nag-akalang iiwan na nito ang Kapamilya Network.
“Hindi ako umalis ng ABS-CBN. Saan ba nanggaling na lilipat ako ng TV5? Hindi ko na matandaang nasabi ko iyon. Pero siguro kasi hindi naman ako nai-interview sa ‘The Buzz’,” ani Korina nang makausap namin ito para magpasalamat na 10 taon na ang Rated K at nananatiling number one.
“Mahal ako ng ABS-CBN, mahal ako ni Gabby Lopez,” giit pa nito.
“Nag-uusap na kami ng management one year ago pa at tinatanong nga nila kung tatakbo si Mar (Roxas). Siyempre need ko pa ring mag-file ng leave. Eh hindi pa naman nagde-decide si Mar kung tatakbo. So, I just extended my leave ‘till June,” paliwanag pa ni Korina.
Samantala, natanong si Korina ukol sa kung kanino niya iniuugnay ang tagumpay na natatamo ng kanyang show na Rated K.
“Alam mo nagugulat talaga ako eh, I really talk to the universities, as part of my 10thanniversary. I really talk to the universities, and part of my legacy ko is mga kabataan, noong mga panahon my speech is like The Five Secrets of Success. (Nakapagsalita na si Korina sa may 40 unibersidad). Nagbibigay din si Ms. Korina ng baller sa mga estudyante na may isang secret of success na nakasulat doon.
“Sabi ko bakit ang Rated K number one pa rin. Nagtataka ako. Sabi ko hindi ko maa-attribute to anybody except for a fact na sinuwerte ako. Kasi ang secret to success ang number one na kailangan ay mahalin n’yo at pagsilbihin ang magulang ninyo. ‘Pag hindi mo minahal at pinagsilbihan ang magulang mo, mailap ang suwerte sa iyo.
“Number two is bilib sa sarili. Kailangan may bilib sa sarili. Ginagawa kong example si ‘Enrique Gil ba guwapo? Si Daniel Padilla ba guwapo? Magsisigawan na ‘yan. Si Piolo(Pascual), si Coco Martin (guwapo ba)? Oo raw. Eh si Willie Revillame’. Hindi sila kikibo, pero sabi ko ‘sino sa kanila ang may 12 sports car, apat na mansion, 2 yate at isang eroplano?’ Sigawan sila ng ‘si Willie. I rest my case…bilib sa sarili.
“Number three is mangarap at magplano. Kailangan may pangarap pero kailangan pinaplano ang pangarap.
“Number 4 is angat ang masipag kaysa matalino. Totoo naman eh, bakit mas malaki ang suweldo ko kaysa valedictorian namin.
“Number five pray and believe. Magdasal at maniwala. Ito ang five secrets of success. That’s the reason why Rated K is number one.”
Nananatili ngang mataas ang national ratings ng Rated K base na rin sa overnight ratings ng Kantar Media/TNS among Total Philippines (urban at rural) mula Enero hanggang Marso 2015.
Isa ang Rated K sa mga pinagkakatiwalaang platforms ng mga local at international celebrities pagdating sa kanilang personal stories ukol sa pag-ibig, pagdadalamhati, takot, pag-asa, pagkatalo, at tagumpay.
ni Maricris Valdez Nicasio